City delegates sa National Science Quest nag-uwi ng awards

  1.jpg

Iprenesenta ng may 50 delegado ng Batangas City sa 15th National Science Quest ang kanilang napanalunang medalya at tropeo kay Mayor Beverley Dimacuha.

Isinagawa ang naturang national competition noong February 9-11 sa Baguio City. Bago narating ang national level, ang mga kalahok na pawang mga elementary at junior high school students mula sa mga public schools ay nanalo muna sa division at regional levels.

Nakuha ng lungsod ang 10 first place medals at trophies sa iba’t ibang kategorya kagaya ng Dancing Robot, Innovative Robotics, Sci-Doku (Grade 3), Environmental Quiz Bee Individual at Team, Line Tracing Robot, Sumobot (3kg)-Teacher category, at Sumobot (500g).

Nanalo sila ng 2nd place sa Sumobot (1kg) at Sci-Doku (Grade 5), 3rd place sa Sc-Doku (Grade 8) at Sci-Doku (Grade 10) at 5TH place sa Rubiks Cube.

Ayon kay Dr. Rogelio Canuel, pangulo ng samahan ng mga Science Teachers sa Division of Batangas City, mula kina Mayor Beverley Dimacuha at Cong. Marvey Mariño ang mga robots na ginamit sa pagsasanay at mismong inilahok sa competition na ito. “Dapat lamang naming i-present kina Mayor ang aming panalo dahil sa napakalaki nilang suporta sa aming lahat. Sila ang aming inspirasyon kaya nagsikap kami na makapag uwi ng karangalan,” dagdag ni Canuel.

Nangako naman si Mayor Dimacuha na patuloy na susuportahan ang mga mag-aaral lalo’t higit sa mga lalahok sa mga tulad nitong kumpetisyon. (PIO Batangas City)