Selebrasyon ng Teachers Month ng Dep Ed Batangas City ginanap sa Batangas City Sports Center noong October 2.

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg

TINGNI: Hinamon ni Mayor Beverley Dimacuha ang mga pampublikong guro sa lungsod na hubugin ang mga Batanguenong mag-aaral hindi lamang upang maging mga matatalino at produktibong indibidwal higit aniya ay hubugin bilang mababait, masunurin at responsableng mga mamamayan ang mga ito.

Ito ang mensaheng kanyang binigyang diin sa culminating activity ng selebrasyon ng Teachers Month ng Dep Ed Batangas City sa Batangas City Sports Center noong October 2.

Hinikayat din niya ang mga guro na maging mabuting halimbawa sa mga kabataan.

Hiniling naman ni Congressman Marvey Mariño sa mga guro na itinuturing niyang mga katuwang o partner sa pag-unlad hindi lamang ng lungsod gayundin ng bansa na turuan na maging “punctual” ang mga mag-aaral.

Magsilbi aniyang inspirasyon ang mga kaguruan upang higit na magpursigi na matuto at mag-aral ang mga kabataan upang higit na mapaunlad ang kanilang sarili at makamit ang minimithing magandang kinabukasan.

Tema ng Teachers Month na pinagdiriwang tuwing September 5 - October 5 bawat taon ay “Teachers leading in crisis, reimagining the future together for teachers”.

Ang pagdiriwang ay bilang pagkilala sa mahalagang papel na ginagampanan ng mga guro sa pagbibigay ng kaalaman at paghuhubog ng karakter ng kanilang mga estudyante.

Ito ay dinaluhan ng humigit kumulang sa 2000 guro.
Nakiisa sa selebrasyon sina Dep Ed Superintendent Dr Hermogenes Panganiban, Councilor Karlos Buted, PTA Federation President Leo Javier, mga District Supervisors at Principals ng ibat-ibang paaralan. (PIO Batangas City)