Batangas City COMELEC, nagsagawa ng voter’s satellite registration

  1.jpg 10.jpg 11.jpg 12.jpg 13.jpg 14.jpg 15.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

May 245 residente ng lungsod ang nakapagparehistro sa isinagawang voter’s satellite registration ng Batangas City COMELEC sa SM City Batangas ngayong araw ng Sabado, August 21.

Ayon kay Batangas City Election Officer Gene Barte, layunin ng nasabing gawain na mas makahikayat ng mas maraming mamamayan ng lungsod na magparehistro upang makaboto. “ Napili naming magsagawa ng satellite registration sa dalawang Sabado ng Agosto (August 21 &t 28) at dalawang Sabado ng Setyembre (September 4&11) sa SM City Batangas sapagkat ito ay accessible at convenient para sa mga registrants,” sabi ni Barte.

Magugunita na Setyembre ng nakaraang taon nang magsimula ang voter’s registration at ito ay tatagal hanggang September 30, 2021. Binigyang diin ni Barte na wala na itong extension kung kayat mula sa Lunes, August 23 hanggang sa deadline ay mula ikawalo ng umaga hanggang ikapito ng gabi ang registration hours sa COMELEC offices.

Inaasahan na mula sa dating 200 katao sa isang araw, aabot ito sa 300 katao dahil sa mas pinahabang oras ng pagrerehistro. Hinihikayat ng kanilang tanggapan ang paggamit ng iRehistro na online accomplishment of forms for registration o ang pag scan sa bar code for pre-registration upang mas mapabilis ang proseso. Sinabi din ni Barte na nalagpasan nila ang kanilang target na number of registrants dahil umabot na sa 12,000 ang bilang ng mga nakapagparegister mula sa unang araw ng registration.

Kabilang dito yaong mga na-deactivate ang account at mga bagong botante. Malaking porsyento din aniya nito ay dahil sa isinagawa nilang satellite registration sa mga upland at island barangays ng lungsod. Lubos ang pasasalamat ng COMELEC Batangas City sa suportang ipinagkakaloob sa kanila ng pamahalaang lungsod para sa maayos na pagsasagawa ng voter’s registration.

Nagpaabot din sila ng pasasalamat ss SM City Batangas sa pagpapagamit nito ng kanilang pasilidad. Samantala, bumisita si Provincial Elections Supervisor Atty. Jonalyn Sabellano sa nabanggit na satellite registration kung saan binigyang diin niya na ito ay magandang pagkakataon upang magparehistro ang mga Batangueno sapagkat maalwan at komportable dito.

Mahalaga aniya na magkaroon ng biometrics data na syang requirement upang magkaroon ng karapatang makaboto. “ Bagamat maraming challenges ang voter’s registration dahil sa nararanasang pandemya, sinisiguro namin na ligtas ang mga aplikante sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga health at safety protocols, pagsasagawa ng regular disinfection at bilang pangangalaga naman sa mga empleyado, fully vaccinated na ang mga ito”, sabi ni Sabellano.

Para sa mga nais magparehistro, magdala lamang ng valid identification card na may address bilang proof residence. Maaari na ding magparehistro ang mga kabataang 17 taong gulang sa ngayon at magiging 18 taong gulang bago mag May 9, 2022. (PIO Batangas City)