Webinar sa tamang paggamit ng pesticides, itinaguyod ng City ENRO

  1.jpg 2.png

Sa hangaring mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga miyembro ng Mango Growers Association ng lungsod sa wastong paggamit ng pesticides, isang webinar hinggil sa tamang paggamit nito ang isinagawa ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO), August 20.

Ito ay may temang “Moving Towards a Competent and Responsible Mango Farmers Committed to Address the Proper Handling, Using and Storing of Pesticides throughout the City.” Layunin din nito na maturuan ang mga sprayers at handlers ng mga technique upang mabawasan at maiwasan ang panganib ng nakalalason na pesticides sa kalusugan ng mga tao.

Ayon kay CENRO Officer Oliver Gonzales, mahalaga ang ganitong klase ng seminar sapagkat maituturing na isang agricultural city ang lungsod ng Batangas. “Nais ng aming tanggapan na ma-educate ang mga magsasaka sa wastong pamamahala ng pag-iimbak ng mga empty containers na pinaglagyan ng mga pestisidyo, kung paano ang tamang pamamaraan ng pagdi-dispose nito,” sabi ni Gonzales.

Ayon naman kay Mark Nicky Larga, Agriculturist II ng Fertilizer and Pesticide Authority (FPA), at isa sa mga resource speaker ng nasabing webinar, mahalaga na laging magsuot ng Personal Protective Equipment (PPE) ang mga magsasaka upang maiwasan ang risks na makapasok ang mga hazardous chemicals sa kanilang katawan.

“Dapat na basahing mabuti ang mga label ng pesticides na ginagamit dahil karamihan sa mga reported ng pagkalason ay dahil hindi nila binasa ang mga nakalagay sa produkto,” binigyang diin ni Larga. Naging resource speakers din sina SFO2 Carlo Castro ng Bureau of Fire Protection (BFP) at Romiseth Perez mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Tinalakay ni Castro ang topic na Pesticides: as Hazardous Chemical:Hazards, First Aid Measures and Containment of Spills. Naging topic naman ni Perez ang Environmental Compliance of Pesticides Users: Handling, Storage, Disposal. Samantala, pinasalamatan ni Assistant City Agriculturist Flora Alvarez ng Office of the City Veterinarian and Agricultural Services (OCVAS) ang inisyatibong ito ng CENRO. Aniya, malaking tulong ito hindi lamang sa Mango Growers Association kundi sa lahat ng mga magsasaka sa lungsod.

“Lahat ng mga proyekto at programa na may kinalaman sa ikabubuti ng agrikultura sa Batangas City, tinatanggap ng OCVAS at ipinagpapasalamat namin dahil may katulong kami sa pangangalaga sa kapakanan ng ating mga magsasaka,” sabi ni Alvarez. (PIO Batangas City)