Ika-14 na taong pagtatapos sa CLB, idinaos

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg

May 84 mag-aaral ang nagtapos sa virtual ceremony ng 14th Commencement Exercises ng Colegio ng Lungsod ng Batangas (CLB) noong August 14. Sa nasabing okasyon, ipinaabot ni Mayor Beverley Dimacuha ang kanyang taos-pusong pagbati sa mga nagsipagtapos kung saan binigyang diin niya na ang graduation ng CLB ay isa sa mga gawain na kanyang inaabangan taon- taon dahil ito aniya ay ang pagpapatuloy ng pangarap ng kanyang ama na si Mayor Eddie Dimacuha.

“Ang CLB ay isang kolehiyong papanday sa mga matatalino ngunit salat sa kakayanang pinansyal na mga estudyante na siyang magiging katuwang ng kanilang mga magulang upang siguruhing hindi magiging hadlang ang kahirapan upang makapagtapos ang kanilang mga anak”, sabi ni Mayor Dimacuha.

Binigyang pugay ni Mayor Dimacuha ang mga magulang na aniya ay pinakamasaya sa araw ng pagtatapos ng kanilang mga anak. “It is the dream of every parent, like myself, to see their children become professionals, ready to join the growing network of skilled Filipino workers with high competence levels and positive work values”, ayon sa kanya.

Kabilang sa mga nagtapos ang 26 na mag-aaral ng Bachelor of Elementary Education (BEED), Major in Content Courses at 58 estudyante ng Bachelor of Science in Business Administration Major in Marketing Management. Naging guest speaker ng okasyon ang alumna nito na si Krizia Marie P. Macatangay na Magna Cum Laude sa kursong BEED noong 2013.

Naniniwala naman si CLB-College Administrator, Dr. Lorna Gappi na sa kakayahan, kaalaman, strong- willed character at iba pang positive values na itinuro ng kolehiyo ay kakayanin ng mga graduates na magtagumpay sa kanilang napiling propesyon at malalampasan ng mga ito ang mga pagsubok hanggang sa sila ay maging matagumpay sa buhay. (PIO Batangas City)