Income ng Batangas City tumaas noong 2018

  1.jpg 2.jpg

Iniulat ng City Treasurer’s Office (CTO) na tumaas ang koleksyon ng Batangas City noong 2018 kung saan ito ay umabot sa P2.1 bilyon kumpara sa P2 bilyon noong 2017 o pagtaas ng P152.8 milyon . Nahigitan din ng koleksyong ito ang 2018 city budget na P1.8 bilyon.

Dahilan sa dumami ang mga bagong negosyo at nag renew ng kanilang businesss permit mula 9,152 business establishments noong 2017 hanggang 10,180 noong 2018, lumaki rin ang business taxes mula P578 milyon hanggang P715.4 milyon o pagtaas ng P137.3 milyon.

Umabot naman sa P901.9 milyon ang real property tax collection noong isang taon.
Bumaba ang tax delinquency na nagkakahalaga ng P131.6 milyon kumpara sa P209.2 milyon noong 2017. Nakapagpadala ang CTO ng 32,052 Notices of Delinquency at may 10,921 bahay ang nabisita sa house-to-house campaign.

Patuloy na pinaigting ang tax collection campaign hindi lamang sa pagpunta ng tauhan ng CTO sa mga barangay kundi sa malawakang information drive sa pamamagitan ng mga ipinamimigay na pamphlets , pagpupulong , at tulong ng mass at social media. Nakakatulong din ang teknolohiya kagaya ng global positioning satellite sa paghahanap ng mga tirahan ng mga taxpayers.

Ang mga tauhan ng Business Permit and Licensing Office ay pumupunta rin sa mga barangay upang malaman kung nag ooperate ng may business permit ang mga negosyo habang ang examination team ng CTO ay tinitingnan ang book of accounts at pertinent records ng mga negosyo alinsunod sa Sec. 171 ng Local Government Code of 1991. Dahil sa trabaho ng examination team, nakapagkolekta ng P832,611 noong 2018.

Samantala, iniulat ng Office of the City Market Administrator na bagamat naging mahina ang benta ng palengke noong isang taon dahilan sa sobrang pagtaas ng bilihin, bahagyang tumaas pa rin ang kita ng tatlong palengke, na nagkakahalaga ng P45.5 milyon.