Ikatlong waterworks project sa Catandala pinasinayaan ni Mayor Dimacuha

  1.jpg 10.jpg 11.jpg 12.jpg 13.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

Pinasinayaan ni Mayor Beverley Dimacuha ngayong January 25 ang ikatlong waterworks system sa barangay Catandala kung saan may 175 kabahayan ang makikinabang.

Matutugunan rin ng proyektong ito ang pangangailangan sa tubig ng mga babuyan na siyang pangunahing pinagkakakitaan ng mga residente ng barangay.

Ang tangke na nagkakahalaga ng P5.2 milyon ay naglalaman ng 8,000 galon ng tubig at itinayo sa 60 metro kwadradong lupa na ipinagkaloob ng donor na si Delia Mercado.

Ayon kay City Planning and Development Coordinator Januario Godoy, may 70 waterworks projects na ang naipatupad sa may 52 barangay mula nang ilunsad ang proyektong ito ni dating Mayor Eduardo Dimacuha noong 1988.

Hiniling ni Mayor Dimacuha sa mga beneficiaries na ingatan at maging maayos sa pamamahala ng proyekto.

“Pakiusap po sana na ay mahalin po ninyo ang proyektong ito at pangalagaan po sana natin ang ating kapaligiran lalot higit po sa pangangasiwa ng dumi ng mga alagang baboy,’’ sabi ng Mayor.

Ipinaabot naman ni Pang. Victor Javier ang taos pusong pasasalamat ng barangay sa naturang proyekto.

Pormal na iniatas ng pamahalaang lungsod ang management at operation ng waterworks sa Waterworks Association sa pamumuno ni Edwin Gutierrez.

Dumalo at nakiisa sa pasinaya ang mya myembro ng Team EBD.