Nutrition level ng mga bata dapat pang pataasin

  1.jpg 2.jpg

Sinabi ni City Nutrition Action Officer Luciana Manalo na bagamat hindi malaking problema ang malnutrisyon sa Batangas City, kailangan pang tumaas ang nutrition level ng mga bata upang ang mga ito ay lumaking malusog, mahusay ang performance sa school, produktibo at maging maganda ang income sa hinaharap.

Mahalaga aniya ang breast feeding sa unang 1000 days ng sanggol sapagkat ito ang magbibigay sa kanya ng wastong nutrisyon upang maging malusog, malakas ang resistensya sa sakit, magkaroon ng tamang timbang habang lumalaki at maging matalino.

Ayon sa ulat ni Manalo, sa 25,354 na mga batang 0-59 months old na sumailalim sa Operation Timbang ngayong 2018,, ang resulta sa Weight-for-Age ay 23,645 o 93.3% ang normal, 908 o 3.6% ang underweight, 259 on 1.0% ang severely underweight at 542 o 2.1% ang overweight.

Sa Length/Height-for-Age, 21,908 o 86.4% ang normal, 1,837 o 7.3% ang stunted o bansot, 697 o 2.7% ang severely stunted at 012 o 3.6% ang matataas. Sa Weight-for-Length/Height, 22,857 o 90.1% ang normal, 889 o 3.5% ang wasted, 335 o 1.3% ang severely wasted, 803 o 3.2% ang overweight at 470 o 1.9% ang obese.

Sa tala ng DOH, may 44,972 and estimated population ng mga 0-59 months old sa Batangas City at ito ay 13.5% ng kabuuang populasyon na 332,974 ng Batangas City.

Sa panahon ngayon ng mga fast food at gadgets, nasasakripiisyo ang wastong nutrisyon at physical activities kayat payo ni Manalo sa mga ina na sanayin ang kanilang mga anak na kumain ng balanced diet na binubuo ng karne, isda, gulay at prutas. Magaling din aniyang pisikal silang maglaro o mag ehersisyo. Sa ganitong paraan, maiiwasan din ang mga lifestyle diseases kagaya ng sakit sa puso at hypertension. (PIO Batangas City)