Meat processing at pagbebenta ng frozen meat sa palengke ipinagbabawal na

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg

Ipinagbabawal na sa mga magtitinda ng karne sa Julian Pastor Memorial Market at Batangas City First Public Market (BCFPM) ang meat processing sa palengke ng kanilang mga paninda kagaya ng longganisa, tapa, tocino at iba pa at sa halip ay gawin ito sa kanilang mga tahanan o iba pang maayos na pasilidad upang masiguro na ang mga produktong ito ay malinis at ligtas kainin.

Ayon kay City Market Administrator Ella Atienza, nagpatawag sila ng dayalogo sa mga meat handlers ukol sa existing rules and regulations sa meat handling sa pampublikong pamilihan noong November 19 sa Teachers Conference Center (TCC). Ito ay dinaluhan ng may 150 meat handlers mula sa dalawang palengke. Nakatulong nila sa pagpupulong na ito ang Office of the City Veterinary and Agricultural Services (OCVAS).

“Napansin namin na marami sa mga magtitinda ay dito mismo sa palengke pinoproseso ang kanilang mga tirang karne na dapat ay sa kanilang tahanan ginagawa, upang maisigurong malinis at safe ito at mapanatili rin ang kaayusan ng palengke,” sabi ni Atienza.

Ayon pa rin kay Atienza, kailangang sariwa o bago at hindi frozen ang ipagbibiling karne sa palengke upang maseguro na mahusay ang kalidad ng karneng mabibili dito. Kaugnay nito, hindi na rin papayagan na makapasok sa mga palengke ang frozen meat na karaniwan ay galing sa ibang bansa at may mga preservatives na delikado sa kalusugan ng mga tao. “Gusto nating maisiguro na lahat ng karneng mabibili sa ating publikong pamilihan ay de kalidad at laging sariwa, dumaan sa pagsusuri ng National Meat Inspection (NMI) at mula sa kanilang sa mga accredited slaughter house,” pagdidiin ni Atienza.

Simula January 2 aniya ng susunod na taon ay ipagbabawal na rin ang freezer kung saan inilalagay ang tirang karne sa palengke upang matiyak na walang karne ang maiiwan overnight sa mga palengke at maisigurong bago at sariwa ang ibebenta sa susunod na araw. Bukod dito nais rin ng pamunuan ng publikong pamilihan na mapanatiling malinis at maayos ang pasilidad dito.

Nagpahayag naman ng kooperasyon at pakikiisa ang mga meat vendors sa mga bagong regulasyong ito sa palengke. (PIO Batangas City)