Pride ng Batangas City, bronze winner sa international singing competition

  1.jpg 2.jpg

Isang maipagmamalaking mang-aawit sa Batangas City ang nagkamit ng bronze award sa singing competition sa World Championships of Performing Arts (WCOPA) na ginanap noong July 9-14 sa Long Beach, California, USA.

Siya ay si Aaron Cynric Regala, 13 taong gulang mula sa barangay Calicanto at Junior Highschool Student ng Saint Bridget College. Nagwagi siya ng bronze medal sa Junior Vocal Solo sa Contemporary kung saan inawit niya ang I Believe ni Fantasia at ang awitin ng Journey na Dont Stop Believing sa Rock.

Ayon kay Aaron, mula sa 5,000 nag audition noong nakaraang taon, 400 dito ang nakapasa subalit 87 lamang silang delegates ang natuloy sa America.

May 50 kinatawan ng ibat-ibang bansa ang kanyang nakalaban kung kayat lubos ang kanyang kasiyahan na siya ay nagwagi dito.

“Sobrang happy ko po at inexpect ko po talaga na mananalo ako,” sabi ni Aaron.

Dalawang taong gulang pa lamang aniya siya nang siya ay magsimulang umawit at makailang beses na siyang nagwagi sa mga singing contests sa kanilang paaralan.

“Pangarap ko po talaga na makilala sa larangan ng pag awit at maipakita ang aking talento sa buong mundo” dagdag pa niya.

Namana niya ang angking husay sa pag-awit sa kanyang ama at lolo na isa mga myembro ng sikat na Sancelo Trio.

Ilan sa mga ginawa niyang paghahanda para sa contest ay water therapy, vocalization, practice at matinding disiplina.

Ang WCOPA ay isang prestihiyosong kompetisyon para sa singing, dancing , acting, variety acts, at iba pa. Isa sa mga nagwagi dito ay ang sikat na singer na si Jed Madela.

Nagpasalamat si Aaron at ang kanyang pamilya sa lahat ng mga tumulong upang makarating sila sa naturang kompetisyon.

Payo naman niya sa mga nagnanais na marating ang tagumpay na naabot niya na huwag tumigil mangarap upang makamit ang kanilang minimithi.

Plano niya na lumahok sa Tawag ng Tanghalan at sa The Voice Teens sa susunod na season nito.(PIO Batangas City)