Pagtatanim ng masustansiyang pagkain, mensahe ng pagdiriwang ng Nutrition Month

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

Sa temang “Ugaliing Magtanim, Sapat na Nutrisyon Aanihin”,ipinagdiwang ng Nutrition Division ng City Health Office ang Nutrition Month noong July 31 sa pamamagitan ng pagkilala sa mga outstanding barangay nutrition committees at outstanding barangay nutrition scholars ng taong 2017.

Sa ikatlong magkakasunod na taon,,muling napiling Outstanding Barangay Nutrition Committee ang Conde Itaas at ang barangay nutrition scholar nito na si Graciana Suarez ang Outstanding BNS.

Kabilang sa mga programa ng Conde Itaas ang mga serbisyo ng kanilang health center para sa buntis at sanggol, Garantisadong Pambata kung saan binibigyan ng libreng bitamina ang mga bata, micro-nutrient supplementation, feeding, family planning, nutrition education, organic farming, Ka Tropa symposium kung saan tinalakay ang papel ng ama sa tahanan , symposium tungkol sa THREATS o teen pregnancy, HIV, rape, early marriage, trafficking at survival sex. Nagsagawa rin sila ng fund-raising, Zumba Condessa at bloodletting.

Ipinayo naman ni City Veterinarian Dr Macario Hornilla na palaganapin ang food gardening. Ang organic farming at food gardening na maaari aniyang gawin sa bakuran ay isang programa ng lokal na pamahalaan na makakatulong upang magkaroon ng dagdag na kita ang pamilya at maiangat ang antas ng kanilang pamumuhay. Sa pamamagitan din nito ay magkaroon ng wastong nutrisyon ang mga bata at makakaiwas sa micro-nutrient deficiency, dagdag pa niya.

Ayon naman sa mensahe ni Mayor Beverley Dimacuha na ipinaabot ng kanyang kinatawan na si Abby Abendan ng LEIPC, napapanahong mapaigting ang pagtatanim ng ,gulay at prutas sa bakuran ,upang hindi na ito bilhin pa lalo na kung isasaalang alang na patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin.

Binati din niya ang may 153 Barangay Nutrition Scholars ng lungsod sa pagiging magandang halimbawa ng mga ito sa pagpapalaganap ng wasto at sapat na nutrisyon at nagpaabot ng pasasalamat sa pagiging katuwang ng pamahalaang lungsod sa pagsusulong ng adhikain na mapangalagaan ang kalusugan ng mga mamamayan.(PIO Batangas City)