Mass anti-rabies animal vaccination ginawa sa barangay

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg

BATANGAS CITY-Sa pag-obserba ng Rabies Awareness Month ngayong Marso, nagsagawa ng libreng mass anti-rabies animal vaccination ang Office of the City Veterinary and Agricultural Services (OCVAS) sa Barangay 24 nitong March 14. May 90 alagang aso at pusa ang nabakunahan.

Nagsagawa rin sila ng rehistrasyon ng mga aso upang matukoy kung sino ang mga may-ari nito.

Ka partner ng OCVAS sa kampanya laban sa nakamamatay na rabies ang City Health Office (CHO) na nagbibigay naman ng libreng bakuna sa mga tao kontra sa rabies. Layunin ng CHO na maging rabies-free ang Batangas City sa taong 2020.

Isinusulong ng OCVAS ang tamang pangangalaga ng mga aso at ang responsible pet ownership upang maiwasan ang rabies.

Ayon sa animal authorities, mas laganap ang rabies tuwing tag-init. Pinapayuhan din ang mga dog owners na itali ang kanilang mga aso sa loob ng bakuran sa halip na pabayaan itong gumala sa kalye sapagkat mas prone sa rabies ang mga asong gala. Mas maiiwasan ding makakagat ang mga ito ng tao kung nakatali.

Sinasabi sa Anti Rabies Ordinance ng Batangas City na responsibilidad ng pet owner kung makakagat ang aso niya ng isang tao kung saan siya ang dapat gumastos sa pagpapagamot ng nakagat.

Pinapayuhan ang mga nakagat ng aso na hugasan at sabonang mabuti ang bahaging nakagat at agad pumunta sa doktor at magpabakuna.

Ayon sa OCVAS, hindi 100% na garantisadong hindi magkaka rabies ang asong nabakunahan subalit mas mababawasan ang tsansang magkaroon nito kung naturukan ng anti-rabies. (PIO Batangas City)