Provincial Comelec handa na sa May 14 Barangay at SK elections

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg

BATANGAS CITY - Handa na ang Provincial Commission on Elections (COMELEC) sa nakatakdang May 14 Sangguniang Kabataan at Barangay elections at umaasang hindi na ito mapo postpone pa sa ikatlong pagkakataon.

Ito ang ipinahayag ni Provincial Comelec Officer Gloria Petallo sa isinagawang Kapihan ng Philippine Information Agency (PIA) nitong ika-14 ng Marso.

Bagamat isinusulong aniya ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms na muling ipagpaliban ang naturang eleksyon, kailangan pa itong aprubahan ng Kongreso at Senado upang maging batas.

Magugunita na dalawang beses na napostpone ang SK at barangay elections noong October 2016 at 2017.

Sa bahagi ng mga election officers, nais na nilang matuloy ang eleksyon sapagkat ito ay long overdue na. Sayang din ang mga supplies na matagal na nilang nabili tulad ng mga indelible ink na maaaring matuyo na.

Ayon pa kay Petallo, magiging kumplikado din kung ang eleksyon ay iuurong sa Oktubre ng taong ito sapagkat sa panahong ito magsisimula na ang filing of candidacy para sa May 2019 local elections.

Nakipag ugnayan na sila sa Dep Ed para sa mga aaktong Electoral Board kabilang na ang mga Board of Canvassers.

Makikipag-ugnayan din sila sa Philippine National Police (PNP) upang masiguro ang kaayusan at katahimikan sa buong panahon at sa mismong araw ng halalan.

Ang election period ay magsisimula sa April 14 at sa panahon ding ito ipatutupad ang gun ban Ang filing of candidacy ay sa April 14-20 habang ang campaign period ay mula May 2-12.

Sinabi ni Petallo na sa SK elections, hindi maaaring kumandidato ang mga kamag-anak (up to 2nd degree) ng incumbent elected official ayon sa bagong batas hinggil sa anti-political dynasty.

Hindi na requirement ang voter’s ID upang makaboto. Yuong mga huling nagparehistro ay hindi na magkakaroon ng voter’s ID upang bigyan daan ang national ID system na ipatutupad sa bansa. Yuong mga nagparehistro na lamang noong 2012 ang makakatanggap ng voter’s ID.

Inaasahan na sa araw ng eleksyon ay malalaman na ang resulta at maiiproklama na ang mga magwawagi. Gagawin aniya ng Comelec ang lahat ng kanilang makakaya upang magkaroon ng maayos at matagumpay na eleksyon kung saan ito ay balik sa manual voting at hinikayat ang mga botante na pumili at maghalal ng mga nararapat na opisyales. (PIO Batangas City)