Tourism Office gumawa ng brochure tungkol sa mga simbahan sa Batangas City

  1.jpg 10.jpg 11.jpg 12.jpg 13.jpg 14.jpg 15.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

Iprenesenta ni Batangas City Tourism Officer, Eduardo Borbon sa pagpupulong ng Batangas Tourism Officers Association (BATOA) Bayside ang brochure na naglalaman ng mga impormasyon ukol sa mga simbahan at pasyalan sa lungsod na maaring puntahan para sa Visita Iglesia ngayong Mahal na Araw.

Ang pagpupulong ay idinaos kaninang umaga sa Museo Puntong Batangan kung saan naging host ang Batangas City Tourism Office. Ito ang ikalawang meeting ng BATOA Bayside sa taong ito, kung saan pinuri ng chairman ng asosasyon na si Beth Quinio ang maagap na pagsusumite ng tourist brochure ng Batangas City partikular ang tungkol sa mga simbahan sa lungsod na napag-usapan noong nakaraang pagpupulong. “Natutuwa po ako at agad ay nakagawa ang Batangas City ng brochure na may panalangin na, ay ipagdadasal pa tayo ng mga simbahang ating pupuntahan,” sabi ni Quinio.

Nakalagay sa naturang brochure ang ruta ng pitong simbahan dito kung ang turista o pilgrim ay mangagaling sa SLEX at sa San Pascual. Mayroon din itong panalangin sa harap ng banal na Krus sa bawat simbahang dadalawin at coupon kung saan isusulat ang pangalan at ilalagay sa nakatakdang lagayan sa harap ng simbahang dadalawin upang makasama sa ipagdarasal sa isang Banal na Misa sa Linggo ng Pagkabuhay sa bawat simbahang pinuntahan.

Hiniling rin sa pagpupulong na magbigay ng impormasyon tungkol sa kasaysayan ng simbahan at mga milagro ng mga Patron nito upang lalong makahikayat na puntahan ng mananampalataya at turista.

Ayon sa BATOA Bayside, plano rin nilang magsagawa ng fam tour para sa media practioners, bloggers at travel agents ng mga pasyalan sa iba’t ibang bayan sa lalawigan upang higit na mapaunlad ang turismo dito.

Ang BATOA Bayside ay binubuo ng 14 bayan at isang lungsod na may mga coastal barangays kagaya ng Batangas City, Balayan, Calaca, Lemery, Lobo, Mabini, Nasugbu, San Juan, Tingloy, Calatagan, Bauan, San Pascual, San Luis, Taal at Lian. (PIO Batangas City)