Business taxes ngayong Enero mas mataas kumpara noong isang taon

  1.jpg 2.jpg 3.jpg

Naging maganda ang resulta ng issuance ng mga bago at renewed business permits sa Batangas City nitong Enero sapagkat ayon kay OIC-City Treasurer Nila Olivario, may kabuuang P325.5 milyon ang ibinayad na business taxes mas mataas ng P 83.9M kumpara noong January 2017 na umabot lamang sa P241.6M.

Ayon naman sa hepe ng Business Permit and Licensing Office na si Ditas Rivera, tumaas ang bilang ng mga bagong registered business establishments ngayong 2018 kung saan ito ay umabot sa 170 kumpara noong 2017 na umabot lamang sa 159. May 6,541 naman ang nag renew kumpara sa 6,053 noong nakaraang taon. Karamihan sa mga bagong business establishments na ito ay retail at services.

Binigyang diin ni Rivera na ang pagtaas ng bilang ng mga registered business establishments ay bunga ng regular na inspection ng kanilang tanggapan mula February 15 hanggang December 15 taun-taon upang masiguro na ang lahat ng nag-ooperate na negosyo sa lungsod ay may business permit.

Muling dumagsa sa huling araw ng Enero ang mga nag renew ng business permit kung saan inabot hanggang 10:30 ng gabi ang pagpoproseso ng mga dokumento.

Upang maiwasan ang pagsisikip ng mga tao sa mga huling araw ng business registration, nagbukas ang Business-One-Stop-Shop(BOSS) ng dalawang Sabado noong January 20 at 27 mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.

Sa online registration, may 41 business applicants. Ito ay para sa mga compliant ang negosyo sa mga regulatory offices kasama na ang national agencies. Maaaring makapag register online sa www.batangascity.gov.ph.

Ipinaalaala naman ni Rivera na magbabayad ng penalty na 25% at 2% kada buwan ang hindi nakakabayad ng business tax ngayong Enero. (PIO Batangas City)