FILM FEST TUNGKOL SA ADOLESCENT PROBLEMS, IDINAOS NG POPCOM

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

Nagdaos ng 2017 1st City Level Adolescent Health and Youth Developmemt(AHYD) Film Festival ang Population Commssion Division ng City Health Office upang ipakita rito ang mga problemang kinakaharap ng mga kabataan ngayon.

Sa tema ng film festival na “Post Millenial Filipinos: Renewed Hope vs Risk”, may walong public national high schools at isang private secondary school ang lumahok sa nasabing festival. Sila ay dumaan muna sa isang araw na workshop sa film production na isinagawa ng Pop Com.

Layunin ng film festival na ito na mapalawak ang kaalaman ng mga kabataan tungkol sa reproductive health at responsible adolescence upang maiwasan nila ang mga bagay na magiging hadlang sa kanilang magandang kinabukasan.

Ayon kay City Health Officer Rosanna Barrion, hangad din ng gawaing ito na mai showcase ang talento ng mga kabataan sa pag-arte at film making.

Binigyang diin naman ni Acting Regional Director Marilyn Ogaya, Popcom Region IV, na isa sa pinakamabisang paraan o strategy upang ma educate ang mga kabataan ay sa pamamagitan ng short film kung kayat binati niya ang POPCOM sa matagumpay na proyektong ito. Ang Batangas City ang kauna-unahang lungsod na nagsagawa ng film festival na nauna nang isinagawa ng rehiyon.

Sa viewing ng siyam na pelikula , ipinakita rito ang issues kagaya ng poverty, prostitution, HIV/AIDS, early pregnancy, maagang pagkagumon sa bisyo kagaya ng pag-inom ng alak, at kapabayaan ng mga magulang sa kanilang mga anak kung kayat nawawalan ng paggalang at pagtitiwala ang mga anak sa kanilang mga magulang Ipinakita rin dito na ang pagkakamali ay pwede pang itama upang maabot ang mga pangarap para sa isang magandang buhay.

Tinanghal na Best Picture at Best in Poster ang pelikulang “Butas” na likha ng mga mag-aaral ng Natalia V. Ramos National High School (NAVERA). Ipinakita rito kung papaano nakuha ng isang lalaki ang HIV/AIDS sa isang kapwa lalaki na umabuso sa kanya at ang mahalagang papel ng isang magulang upang mabigyan ng tamang gabay at pangangalaga ang kanilang mga anak.

Ayon kay Goldwyn Reyes, nanalong Best Director na syang nagdirek ng Butas, naging napaka challenging ng kanilang pinagdaanan upang mabuo ang nsabing proyekto kung kayat lubos ang kanilang kasiyahan sa kanilang pagkakapanalo at nagpaabot ng pasasalamat sa suportang ipinagkaloob ng kanilang paaralan sa kanilang produksyon.

Ilan pa sa mga major awards na kanilang iginawad ay ang Best Actress na pinagwagian ni Candie Malarayap ng Pinamucan NHS sa pelikulang “Ella”; Best Actor na nakuha ni Theodore Angelo Soreta ng NAVERA NHS sa pelikulang “Butas”; Best Supporting Actor na napanalunan ni Mark Joshua Almarez ng Sta Rita NHS sa pelikulang “Thyma” at Best Supporting Actress si Mikaela Barte ng Libjo NHS, “Lapis Labial”.

Nanalong Best Cinematography ang entry ng Sto Nino NHS na Milagro; Best Musical Score ang Tunog at Ingay ng Conde Labac NHS; Best Screenplay ang Regalo ng Pagkakamali ng Balete NHS; Best Editing ang Mundo ng Westmead IS at Best Trailer ang Lost, Lust, Last ng Tabangao NHS.

Lahat ng nagwagi ay tumanggap ng trophy at P 3000 na cash prize.

Nagkaloob din ng certificate of appreciation sa may 15 barangay na sumuporta sa adolescent and population programs ng lungsod. (PIO Batangas City)