Sec. Dela Peña pinasalamatan si dating Mayor Eddie sa pagkakatatag ng PSHS Calabarzon

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg

BATANGAS CITY. Pinangunahan nina Department of Science and Technology Secretary Fortunato Dela Peña, Mayor Beverley Dimacuha at Philippine Science High School (PSHS) Calabarzon Campus Director Dr. Jose Andaya ang ribbon cutting ceremony ng administration building ng nasabing paaralan sa barangay Sampaga.

Ipinagdiriwang ngayon ng PSHS Calabarzon ang ika-4 na anibersaryo nito kung saan nilagdaan ang batas sa pagkakatatag nito noong 2013, at nagbukas noong Hulyo 2015 sa may 71 mag-aaral lamang sa temporary campus nito sa Batangas National High School.

Ang administration building ang ikatlong gusali na pinasinayan ngayong 2017 kasunod ng academic building no.1 at boy’s dormitory. On-going na rin ang construction ng academic building no.2 at girl’s dormitory. Labing isang construction projects pa ang nakatakdang isagawa sa susunod na taon.

Pinasalamatan ni Secretary Dela Peña ang lahat ng ahensya at indibidwal na tumulong para maitatag ang paaralang ito kabilang si dating Mayor Eddie Dimacuha at pamahalaang lungsod na siyang nagkaloob ng may limang ektaryang lupang kinatatayuan ng paaralan. Ipinaabot din niya ang pagbati sa pamunuan at mga mag-aaral ng Calabarzon campus dahil naging matagumpay ang mga ito at hindi naging hadlang ang mga kakulangan sa pasilidad para makapagbigay ng kalidad na edukasyon.

Ipinaalaala rin niya sa may 268 na iskolar ng bayan ang pagbabalik pasasalamat kung sila ay matagumpay na sa buhay sa pamamagitan ng paglilingkod sa lungsod ng Batangas na kumukopkop at nag-aaruga sa kanila. “Naway maisapuso na sa pagdating ng panahon ay may maibalik o ibigay sa rehiyon ang tungkulin na dapat gawin,” dagdag pa ni Dela Peña.

Sa mensahe naman ni Mayor Dimacuha na binasa ni Local Economic Investment and Promotion Center Officer (LEIPC) Erick Sanohan, ipinaalala niya ang isang linya mula sa pelikulang Spiderman- “Great power comes with great responsibility”. Aniya, inaasahan niyang magiging magaling na lider ang mga graduates ng PSHS sa hinaharap kayat magandang maging gabay nila ang isa sa mensaheng ito ng nasabing pelikula kung magkaroon sila ng pagkakataong maging lider. (PIO Batangas City)