Maayos na pasilidad sa Sico Jail ipapatupad ng bagong city warden

  1.jpg

BATANGAS CITY-Ang pagsasaayos ng ilang mga pasilidad sa Sa Jose Sico Jail ang nangungunang pangangailangan ng gustong aksyunan ng bagong jail warden na si Jail Supt. Lorenzo Reyes na nagsimulang manungkulan noong November 2.

Ayon kay Lorenzo na naging city warden na ng Batangas City noong 2011-2014, hiningi niya ang tulong ni Mayor Beverley Dimacuha sa pagpapagawa ng isang kitchen area para sa mga lalaking inmates upang maging malinis at ligtas para sa kalusugan ng mga preso ang preparasyon ng kanilang pagkain. Sa ngayon ang nagsisilbing temporary kitchen ay ang administration office. Kailangan ding makapagpagawa ng bagong septic tank sa harap ng mabilis na pagdami ng mga preso at masemento o malagyan ng aspalto ang walkway para sa mga dumadalaw na bisita. Upang matugunan ang mahinang supply ng inuming tubig, kung saan naka tap lamang ang jail sa barangay, makikipag-ugnayan ang city warden sa Batangas City Water District para sa installation ng water tank sa jail. Ang iba pang source ng tubig na ginagamit sa paglilinis at pagligo ng mga inmates ay nangagaling naman sa spring.

Sinabi rin ni Lorenzo na kagaya ng sitwasyon sa mga preso sa buong bansa, ang Sico jail ngayon ay 800-900% congested bunga ng gera sa droga ni Presidente Rodrigo Duterte. “Kung ang standard ay 8-10 inmates per cell, ang sitwasyon ngayon ay 70-75 inmates sa isang cell,” sabi ng city warden. Isang bagong building aniya ang ipinapagawa ng national government sa kasalukuyan kung saan ililipat ang ilang inmates upang matugunan ang congestion. Ang fencing nito ay ihihingi rin niya ng tulong kay Mayor Dimacuha.

Sa kasalukuyan ay may 680 lalaking inmates at 156 naman ang babae sa Sico Jail. (Angela J. Banuelos PIO Batangas City)