Response exercise para sa oil spill isinagawa ng Shell Refinery

  responseexercise1.jpg responseexercise2.jpg responseexercise3.jpg

Ano ang mga dapat gawin kung magkaroon ng Tier 3 oil spill na mula 10,000 hanggang 1 million liters sa Batangas Bay upang agad itong matugunan at mabawasan ang masamang epekto nito sa karagatan.

Kung papaano ito epektibong rerespondehan ang ipinakita ng Exercise Barako two-day Tier 3 Oil Spill Tabletop Exercise na isinagawa ng Pilipinas Shell Petroleum sa Tabangao Shell Refinery.

Ayon kay Jodi Nypuik, OSEC Regional Response Manager ng Shell, layunin ng naturang pagsasanay na magkaroon ng sapat na kaalaman ang mga stakeholders at masiguro ang kahandaan ng lahat kung sakaling magkaroon ng insidente ng oil spill sa lungsod partikular sa Batangas Bay upang ma-minimize ang impact o magiging epekto nito. Hangad din aniya ng gawaing ito na malaman ang kapasidad at ang responsibilidad na gagampanan ng mga konsernadong ahensya sa mga ganitong uri ng sitwasyon.

Taong 2015 nang magsagawa ang naturang kompanya ng Tier 2 spill exercise o yaong sitwasyon kung saan kakailanganin na nila ang tulong mula sa ibat-ibang ahensya ng gobyerno.

Sa unang araw ng pagsasanay ay nagkaroon ng orientation kung saan nagbigay ng brief overview hinggil sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) set up ang hepe nito na si Lito Castro.

Tinalakay naman ni Dir. Ed Ybanez ng Philippine Coast Guard (PCG) na siyang lead agency for all oil spill response operations ang tungkol sa Philippine National Oil Spill Contingency Plan.

Nagbigay ng opening remarks ang Senior Leader ng Tabangao Refinery na si Eduard Geus habang nagsilbing Exercise Director si HSE Adviser Red Salonga ng PSPC. Tinalakay ni Nypuik ang Shell Incident Command System for Protracted Incidents. Binigyang diin niya ang kahalagahan ng Incident Command System (ICS) sa panahon ng disaster at emergencies sapagkat sa pamamagitan ng sistemang ito, nagkakaroon ng epektibong ugnayan ang mga konsernadong ahensya ng pamahalaaan kung ano ang dapat gawin ng bawat isa para sa pangkalahatang operasyon.

Sa ikalawang araw naman isinagawa ang role playing kung saan ang scenario ay kinasangkutan ng MT Scandinavia na nawalan ng control at napabangga sa Jetty 4. Nagrelease ito ng unknown quantity ng Qatar Marine Crude Oil.

Dumalo sa nasabing exercise ang mga kinatawan ng Batangas City Bureau of Fire Protection (BFP), PG ENRO, City Environment Office, CDRRMO at mga myembro ng Batangas Press Club. (PIO Batangas City)