Batangas City swimmers champion sa Phil. Swimming League leg series

  swimmers.jpg

Tinanghal na over-all champion ang Batangas Killer Whale Swimming Team sa 117th Philippine Swimming League (PSL) Leg Series noong ika-17 ng Hunyo na ginanap sa Diliman Preparatory School sa Quezon City.

Ang naturang liga ang isa sa pinaka-matagal at prestihisyosong torneo sa larangan ng swimming sa buong bansa.

Nakamit ni Joie Millevon Macatangay ang 2 medalyang pilak mula sa 50m breast stroke at 50m Freestyle. Si Macatangay rin ang tinanghal na Most Outstanding Swimmer (Girls) sa 15 and over Class ABC.

Nakopo naman ni 11-year old Josef Benedik Munoz ang 2 golds sa Individual Medley at Butterfly. Tinanghal din siyang Most Outstanding Swimmer sa kaniyang dibisyon.

Limang medalya naman ang iniuwi ng 9 na anyos na si Sabrina Ann Campana. Apat dito ang golds mula sa individual medley, butterfly, backstroke, at freestyle samantalang silver medal naman ang nakamit niya sa breast stroke. Bunga nito, nahirang si Campana bilang Most Outstanding Swimmer ng kaniyang age bracket.

Ilan sa mga swimmers na nakakuha ng mga medalya sina : Karl Marguiritt Dimatatac, Gold-Individual Medley; Hugh Albert Parto, Silver-Individual Medley at Butterfly; Hugh Antonio Parto, Silver-Butterfly at Backstroke; Sophia Beatrice Manlongat, 2 Golds-Butterfly at Backstroke, Silver-Freestyle at Individual Medley, Bronze, Breast stroke; Victor Miguel Parto, Silver-Freestyle at Bronze Butterfly at Jewelle Mae Macatangay, 2 Silver-50m Butterfly.

Ayon kay Albert Deluna at Fritz Gomez, coach at trainor ng Killer Whale Swimming Team, binuo nila ang grupo noong February 2017. Anila, ang kanilang mga manlalaro ay nagmula sa private at public schools na handang magsanay ng puspusan para sa improvement ng kanilang laro. “

Hindi po mahalaga kung kayo ay galing sa malaki o maliit na eskwelahan. Ang itinatanong po namin sa kanila e kung handa ba sila maging dedicated sa kanilang paglangoy gayundin po ang kanilang mga magulang na tumatayong backbone nila sa kanilang mga pagsasanay,” ani Deluna.

Pumangalawa sa Batangas ang koponan ng National Capital Region (NCR). Lumahok din sa PSL Leg ang mga koponan mula sa Pampanga, Tarlac, Bulacan, Manila, Cavite at Rizal. (PIO Batangas City)