Mainit na pagtanggap sa mga delegasyon ng SCUAA 2017 ipinadama sa Mayor’s Night ni Mayor Beverley

  SCUAA1.jpg SCUAA2.jpg SCUAA3.jpg SCUAA4.jpg SCUAA5.jpg SCUAA6.jpg SCUAA7.jpg

Ipinadama ni Mayor Beverley Dimacuha ang mainit na pagtanggap ng Batangas City sa mga delegasyon ng State Colleges and Universities Athletic Association o SCUAA 2017 sa Mayor’s Night na ginanap sa Convention Center kung saan nagkaroon ng presentation tungkol sa kasaysayan ng lungsod, kultura. tradisyon at pananampalataya ng mga Batangueño.

Ipinaabot ni Mayor Dimacuha sa mga panauhin ang masidhing pagnanais ng mga taga lungsod na maibigay ang kanilang pinakamahusay na pagtanggap sa mga bisita sa abot ng makakaya. Humingi rin siya ng paumanhin sakaling may pagkukulang man. Aniya, sana ay baunin ng mga bisita ang magagandang alaala sa panahon ng pamamalagi nila dito sa lungsod.

“ Marahil narinig nyo na ang aming punto, ang lakas at lalim ng aming punto ay siya ring lalim ng aming pakikipagkaibigan sa inyo, at ang pagtanggap namin sa inyo ay pagtanggap sa matalik na kaibigan,”sabi ng Mayor. Idinagdag din niya na bukas ang lungsod, maging ang mga tahanan dito sa muling pagbabalik ng mga panauhin.

Labis naman ang pasasalamat ni Dr. Tirso Ronquillo, Presidente ng Batangas State University (BatStateU) sa malaking suporta ng pamahalaang lungsod at ng Batangas City Schools Division sa ginaganap na SCUA 2017 na nagsimula noong February 19 at tatagal hanggang February 24 kung saan ang BatStateU ang host.

Ayon kay Dr. Ronquillo hindi na siya nagdalawang salita pa kay Mayor Dimacuha ng hingin niya ang tulong nito, lalo’t higit ay sa libreng pagpapagamit ng mga pasilidad kagaya ng sports complex, convention center, at mga kagamitan sa mga pampublikong paaralan na tinitigilan ng mga delegasyon. Tiniyak rin aniya ng pamahalaang lungsod ang seguridad ng mga billeting schools. Pinasalamatan rin niya si City Schools Superintendent Dr. Donato Bueno. “Hindi po kakayanin ng BatStateU na makapag host ng SCUAA kung wala po suporta nyo,” sabi ni Dr. Ronquillo.

May 5,000 delegasyon ng SCUAA 2017 sa buong bansa ang narito sa Batangas City para makipagtunggali sa iba’t ibang sports competions. (PIO Batangas City)