Pantawid beneficiaries ng San Agapito, Isla Verde kinilala sa sustainable project livelihood nito

  dswd1.jpg dswd2.jpg dswd3.jpg dswd4.jpg dswd5.jpg

Tumanggap ng Bangon Kabuhayan 2017 Plaque of Appreciation mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region IV-A ang Buli Weaving and Crafts ng grupo ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (Pantawid) ng San Agapito, Isla Verde bilang top five sustainable project.

Ang plake ay iginawad sa Regional Presentation and Awarding Ceremony noong February 2 sa Pasay City.

Kinilala bilang top 5 sustainable project ang paggawa ng mga produkto mula sa buli tulad ng banig, bayong, sumbrero at iba pa na pangunahing pangkabuhayan ng mga Pantawid beneficiaries.

Ayon kay Cleofe Panopio, pangulo ng Pantawid beneficiaries ng San Agapito, natutugunan ng proyekto ang mga pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya at pag-aaral ng kanilang mga anak. “ Kung maramihan ang order ay kumukuha kami ng produkto sa mga kalapit barangay, kung kaya’t nabibigyan rin namin ng pagkakakitaan ang mga residente dito,” sabi ni Cleofe.

Patuloy na nakikilala ang mga produkto ng Pantawid beneficiaries ng San Agapito mula sa mga trade fair na kanilang dinadaluhan sa iba’t ibang lugar. Dumarami na rin ang kanilang parokyano sa mga pribado at pampublikong ahensya at maging sa mga palengke sa ibang bayan at lungsod ng Batangas kagaya ng Lipa City.

Ang paggawa na ng produkto mula sa buli ang pinagkakakitaan ng mga taga- san Agapito bago pa man mabuo ang Pantawid beneficiaries limang taon na ngayon. Ang grupo ay may 23 miyembro.

Kabilang sa mga plano ng grupo ay makakalap ng karadagang puhunan, makadalo sa mga buli weaving and crafts training-seminar upang maitaas ang kanilang kasanayan at higit na mapaganda ang kanilang mga produkto. Hangad din nila na makapag export ng mga nito. (PIO Batangas City)