13th Annual General Assembly ng Batangas City Corn Growers Association Inc, isinagawa

  corn1.jpg corn10.jpg corn11.jpg corn12.jpg corn13.jpg corn14.jpg corn15.jpg corn2.jpg corn3.jpg corn4.jpg corn5.jpg corn6.jpg corn7.jpg corn8.jpg corn9.jpg

Nagdaos ng 13th Annual General Assembly ang humigit kumulang sa 200 miyembro ng Batangas City Corn Growers Association Inc na dating Batangas City Yellow Corn Growers Association Inc (BCGA) na siyang katuwang ng pamahalaang lungsod sa pagpapatupad ng Yellow Corn Sufficiency Program nito.

Nagsilbing guest of honor si Mayor Beverley Dimacuha na kinatawan ni Abby Abendan ng Local Economic and Investment Promotion Office.

Ayon sa kanyang ipinaabot na mensahe, ipagpapatuloy niya ang pagbibigay ng suporta upang mas lalong magtagal at maging matagumpay ang nasabing asosasyon. Ayon naman kay Congressman Marvey Marino na kinatawan ng kanyang Chief of Staff na si Eddie Boy Caringal, makikipag-ugnayan siya sa Department of Agriculture upang mas marami pang magsasaka ang matulungan at upang mas maraming pananim ang kanilang maipamahagi tulad ng cacao at kape.

Hinikayat ni Angelica Dimaculangan, Science Research Assistant at kinatawan ni DA Regional Corn Coordinator Avelita Rosales ang mga corn growers ng lungsod na pataasin ang produksyon ng mais upang masustain ang demand sa supply ng mga feedmills sa lalawigan. Ang kanilang tanggapan ang nagkaloob ng tractor at harvester na nagagamit ng mga myembro ng BCGA.

Samantala, binigyang diin ni Corn Provincial Coordinator Grace Faraon ang ilang puntos upang pagyamanin ang industriya ng pagmamaisan. Ang mga ito ay ang patuloy na pag-aaral at pagsasaliksik para sa mga bagong teknolohiya sa pagtatanim upang mapalawak pa ang kanilang kaalaman at ang pagsailalim sa ibat-ibang pagsasanay hinggil sa mga bagong agricultural practices.

Pagkatapos ng maikling programa ay nagkaroon ng pagpupulong ang mga opisyales ng samahan. Kaagad itong sinundan ng open forum sa pagitan ng Office of the City Veterinary and Agricultural Services(OCVAS) at ng mga miyembro ng BCGA. Layunin nito na malaman kung ano pa ang maaaring gawin upang patuloy na mapaunlad ang naturang samahan.

Bukod sa technical assistance sa BCGA, nagpapahiram ang OCVAS ng traktora para sa paglilinang ng lupa, namimigay ng libreng hybrid seedling at nagsasagawa ng refresher course para sa mga magtatanim.

Ayon sa ulat ng OCVAS, may 277.35 ektarya ng lupa sa 18 barangay ang nataniman ng yellow corn noong 2016 kung saan may 112 farmer co-operators ang napagsilbihan sa ilalim ng Yellow Corn Sufficiency Program. (PIO Batangas City)