Mga baril ng city government isinurender sa Batangas City PNP upang maayos ang dokumento

  PNP1.jpg

BATANGAS CITY- May 90 ibat-ibang klase ng baril and isinurender ng City Government sa Batangas City Police Station sa pangunguna ni PSUPT Barnard Daniel Dasugo noong ika-1 ng Pebrero sa Batangas City Warehouse upang ma check kung maayos pa ang mga ito kasama na ang kanilang mga lisensya at iba pang dokumento.

Ang mga baril na ito ay naka isyu sa City Mayors Office, Office of the City Veterinary and Agricultural Services, Defense and Security Services at City Market Office na ngayon ay inilipat sa pangalan ni Mayor Beverly Dimacuha at Joyce Cantre, hepe ng General Services Department.

Ang pag surrender ng mga baril ay bahagi ng kampanyang Balik Armas ng PNP na ang layunin ay mabilang at makita kung ang mga baril na inissue sa city government ay depektibo na o expired na ang lisensiya.

Ayon kay Po3 Ding Calalo ng Firearms Desk/CPSMU PNCO, ang mga isinurender na baril ay pansamantalang nasa pangangalaga ng Batangas City Police habang inaayos ang mga dokumento nito. Napag-alaman na ilan sa mga ito ay hindi na maaring gamitin dahil sa kalumaan.

Sinabi naman ni Cantre na kapag naayos na ang lahat ng mga dokumento ng mga baril ay saka nila ito ibibigay sa mga hepe ng mga opisinang nabanggit at depende na sa hepe kung sino ang kanilang iisyuhan ng baril. Kailangan lang aniya na dumaan muna sila sa gun safety seminar upang maging reponsable silang gun owners. (PIO Batangas City)