Exhibit ng mga produkto ng Calabarzon tampok sa Techno Gabay Program Sumit 2019

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg

Isang magandang pagkakataon ang magkasamasama ang mga magsasaka ng mga probinsya ng Calabarzon upang maipakita ang kanilang mga ipinagmamalaking produkto sa ginawang exhibit na bahagi ng Techno Gabay Program Summit 2019 kung saan naging host ang Batangas Province, November 21.

Sa pangunguna ng Agricultural Training Institute(ATI)-Region IV-A, itinayo ang exhibit ng mga Magsasaka Siyentista mula sa iba’t ibang Farmer’s Information Technology Service Center (FITS) sa mga probinsya ng CALABARZON sa Batangas State University Main Campus.
Tampok sa booth ng Cavite ang kanilang pahimis- blend roasted coffee, pahimis- blend jute, tablea batirol, mushroom chicharon, pipino, kamatis, ube halaya, fruit wine, bagoong mushroom, kimchi mushroom, wood vinegar at mushroom- bangus sardines.

Ang Laguna ay mayroong walis tambo, plato at basket na yari sa rattan, puting bigas, tablea, insulin plant tea at capsule, at mga kwaderno na may disenyong tuyong dahon.
Ipinakita ng Batangas ang sikat nitong Kapeng Barako, tabliya, banana chips, paborita, champoy (seedless), sweet kamias, sweet tamarind, crispy mushroom, pakaskas, oyster mushroom crisps, cassava chips, meringue, biscocho, panutsa, shing-a-ling, cornik, chicharon at mani.

Ang produkto ng Rizal ay dragon fruit wine at vinegar, luyang dilaw(turmeric powder), chilli garlic in olive oil, banana chips, instant salabat, instant pure turmeric at black at brown na bigas.

Ipinagmalaki ng Quezon ang uraro cookies, roasted corn powder, carrot chips with dilis, powdered ube, lemon grass tea, banana chips, ground coffee, calamansi juice drink at ube chips.

May 57 na aktibong FITS center ang rehiyon ng CALABARZON at sa lalawigan ng Batangas matatagpuan ang anim na FITS center sa Provincial Agriculture, OCVAS Batangas City, munisipyo ng Lobo, Rosario, Calatagan, Lungsod ng Tanauan at madadagdagan pa ito ng sa Calaca at San Juan.

Inihayag ng sector director ng ATI CALABARZON na si . Marites Cosico na ayon sa pag-aaral ng Food and Agriculture Organization ng United Nations, sa taong 2050 ay tinatayang 25% ng global food production ay maaaring mawala dulot ng pinagsama-samang epekto ng climate change, land degradation, at kakulangan sa tubig.

“May 88 na aktibong Magsasaka Siyentista sa buong rehiyon at sa pamamagitan ng kanilang farm practices na maituturing na makabagong teknolohiya ay ipinamamahagi sa kapwa magsasaka upang sabay-sabay na mababawasan ang epekto ng pagbabago ng klima,” dagdag pa niya.