Batangas City hindi apektado ng African swine fever

  1.jpg 2.jpg

Walang pang kaso ng African swine fever (Asf)) ang naiulat o naitala sa Batangas City ayon sa hepe ng Office of the City Veterinary and Agricultural Services ( OCVAS) na si Dr Macario Hornilla.

Ipinaliwanag ni Dr Hornilla na wala pang gamot o bakuna para sa Asf na dala ng isang virus at nagmula sa Africa. Hindi aniya ito nakakahawa sa mga tao o sa ibang hayop.

Ang sintomas ng ASF ay mataas na lagnat, pulang pantal sa katawan ng baboy, pagsusuka at pagdurugo ng internal organs na ikamamatay nito sa loob ng dalawa hanggang 10 araw.

“Walang dapat ikabahala ang mga mamimili dahil hindi apektado ang lungsod ng epidemyang ito at wala ding magiging epekto kung sakaling makakain ang isang tao ng baboy na may sakit na ito,” sabi ni Dr. Hornilla..

Nakiusap din siya sa publiko na huwag munang bumili ng karne ng baboy o mag-uwi ng mga processed meat na galing sa mga bansang apektado ng swine fever outbreak.

Hindi naman aniya apektado ang bentahan ng karneng baboy sa mga palengke.

Upang maiwasan ito, ipinapayong sundin ang strict biosecurity kung saan kailangang panatilihin ang kalinisan sa lugar at palagiang idisinfect ang kulungan ng mga baboy, ang sasakyan at mga kagamitan.

Ilan pa sa mga preventive measures na kanilang ginagawa ay ang pagpunta sa mga barangay upang magbigay ng information dissemination hinggil sa Asf sa mga livestock raisers. Mayroon din aniyang mga check points sa mga nagbyabyahe ng baboy palabas at papasok ng Batangas.

“Bagamat wala pang banta ng Asf sa lungsod, posible itong magdulot ng malaking problema sakaling mahawa ang suplay ng baboy dito kung kayat tinututukan namin ang pagmomonitor upang walang makapasok na kaso nito sa lungsod,” dagdag pa ng veterinarian.

Ang Batangas City aniya ang ikalawa sa pinakamalaking supplier ng baboy sa lalawigan ng Batangas.

Magugunita na pinatigil na ng Bureau of Animal Industry (BAI) ang pagkuha ng baboy mula Belgium at Hungary, kung saan aktibong nag-aangkat ang bansa, dahil sa naturang outbreak.
Ipinagbabawal na rin ang swill feeding, o pagpapakain sa mga baboy ng tirang pagkain dahil maaari aniyang may karne dito na infected ng virus.

Hiniling ni Dr. Hornilla na magbantay, magsuri at makipag-ugnayan kaagad sa kanilang tanggapan sakaling magkasakit ang kanilang mga alagang baboy.