Day care children hinuhubog sa pagbabasa ng aklat at magandang asal

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg

Patuloy ang Batangas City Library sa pagsasagawa ng story telling at puppet show sa mga Child Development Centers (CDC) sa iba’t ibang barangay sa lungsod upang mahikayat ang mga bata na magbasa ng aklat at mahubog sa kanila ang mabuting asal.

Isinasagawa ito tuwing araw ng Huwebes kung saan ngayong Agosto ay idinaos ito sa mga CDCs ng barangay Pinamucan Proper, Banaba Center, Haligue Silangan at Barangay 24.

Itinanghal nila sa puppet show ang kwento na “Magkaibigan” na isang orihinal na akda ng mga kawani ng City Library. Ito ay tungkol sa magkaibigang sina Lilay at Loloy na mahilig magbasa ng aklat at napabuti ang buhay. Iba’t ibang kwentong may magandang aral ang kanilang binabasa sa mga bata.

Itinuro rin sa mga day care children ang disiplina at magandang kaugalian na siyang nais ni Mayor Beverley Dimacuha na maikintal sa murang isipan ng mga bata.

Ang mga kawani ng City Library ay patuloy ring sumasailalim sa story-telling at puppet show training upang hasain ang kanilang galing sa ganitong gawain. (PIO Batangas City)