Pagdagsa ng bisita sa Monte Maria sa Mahal na Araw pinaghahandaan na

  1.jpg 2.jpg 3.jpg

Pinaghahandaan ng pamahalaang lungsod ng Batangas ang seguridad, pangangasiwa ng trapiko at pananatili ng kalinisan sa inaasahang pagdagsa ng mga bibisita sa Mother of Asia, Tower of Peace na kilala bilang Monte Maria sa barangay Pagkilatan ngayong Mahal na Araw.

Kaugnay nito ay nagbuo si Mayor Beverley Dimacuha ng committee na binubuo ng mga kinatawan ng iba’t ibang konsernadong tanggapan ng pamahalaang lungsod at mga punong barangay ng ilang coastal barangay na dadaanan papunta at palabas ng Monte Maria upang mangasiwa at tiyakin ang kahandaan ng lungsod sa pagdagsa ng mga tao sa nagiging popular na pilgrimage destination.

Ang mga coastal barangay na ito ay ang Libjo, Ambulong, Tabangao Aplaya, Pinamucan Proper, Pinnamucan Ibaba, Simlong , Mabacong at Pagkilatan.
Sa pagpupulong ng committee ay ipinaalam ng Transportation Development and Regulatory Office (TDRO) na magtatalaga sila ng mga traffic enforcers sa mga pangunahing kalye, sa mga lugar na inaasahang magkakaroon ng pagsisikip sa daloy ng trapiko kagaya ng mga barangay patungong Pagkilatan at coastal barangay.

Napagkasunduan dito na magde- deputize din ng ilang barangay tanod mula sa coastal barangay upang makatulong ng TDRO sa pagsasaayos ng trapiko at parking areas sa paligid ng Monte Maria.

Maglalagay ang TDRO ng mga signage kagaya ng entrance at exit, at iba pang traffic reminders. Ipatutupad din ang ang truck ban sa mga apektadong lugar mula 3:00 ng madaling araw hanggang sa 9:00 ng gabi simula April 17 hanggang 19.

Magtatalaga naman ang Batangas City Police Office ng kanilang police personnel upang pangalagaan ang seguridad ng mga mananampalataya at magtatalaga rin ng mga health worker ang City Health Office at emergency management team ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO).

Magkakaroon lamang ng isang lugar para sa mga magtitinda upang hindi makasikip sa daloy ng trapiko.

Hinihikayat ng committee ang mga samahan ng kababaihan sa coastal barangay na magtinda ng kanilang produkto hindi lamang upang kumita kundi upang maipakilala rin ang mga lokal na produkto.

Tiniyak naman ni General Services Officer Jocelyn Cantre na siyang tumayong presiding officer sa meeting na may truck na hahakot ng basura sa lugar araw –araw mula Lunes Santo hanggang Linggo ng Pagkabuhay. Maglalagay ang mga barangay ng magkakabukod na basurahan upang pangalagaan ang kalinisan dito at magi-instala rin ng mga tarpaulins ukol sa paalaala para sa kalinisan at kaayusan ng paligid ng Monte Maria. (PIO Batangas City)