Batangas City Health Office, nalampasan ang target sa paghahanap ng TB cases

  1.jpg 2.jpg 3.jpg

Binigyan ng komendasyon ng Department of Health (DOH) Region 4A ang Batangas City Health Office (CHO) sa 18% increase sa target Case Notification Rate (CNR) nito ng mga taong may tuberculosis noong 2018.

Mula sa CNR na 317 per 100,000 population noong 2017, tumaas ito sa 385 per 100,000 population o pagtaas ng 18% sa 2018 performance indicator ng National TB Control Program.

Ayon sa DOH Region 1V-A, kasunod ng 2017-2022 Strategic TB Elimination Plan of Region IV, ang gradual increase ng CNR ay tinatarget upang makamtan ang layuning mahanap ang mga nawawalang taong may TB. Ang layunin ng region ay magkaroon ng at least 10% increase sa 2017 CNR.

Ayon kay Vicky Atienza, nurse III at coordinator ng National TB Program ng CHO, sa ilalim ng CNR, kinakailangang ma-notify ang kanilang tanggapan at dapat mairehistro ang mga TB patients.

“Kailangang tutukan ang mga pasyente, mabigyan ng de kalidad na serbisyo at maibigay ng tuloy tuloy ang pangangailangang medikal ng mga TB patients, aniya.

Dapat mabantayan o sumailalim sa case holding ang isang pasyente upang hindi na lumala o humantong sa multi -drug resistant TB sapagkat ayon sa tala, ang isang TB patient na hindi magagamot ay maaaring makahawa ng 10-12 katao sa loob ng isang taon.

Lubos ang pasasalamat ni Atienza sa kanilang mga doctor, midwives at barangay health workers na katulong nila sa implementasyon ng kanilang mga programa na isa sa mga dahilan kung bakit nila nakamit ang kanilang target.

Ang TB ay dala ng isang bacteria na may scientific name na Mycobacterium Tuberculosis at kung ang isang tao ay mahilig manigarilyo, uminom at exposed sa maduming kapaligiran, madali siyang tatamaan ng sakit na ito. Ilan sa mga palatandaan ng TB ay ang lagnat, ubo na hindi gumagaling ng mahigit sa dalawang lingo, panghihina at pamamayat.

Upang makaiwas sa sakit na ito , kailangang kumain ng mga masusustansyang pagkain, iwasan ang stress,pagpupuyat at panatilihing malinis ang katawan at ang kapaligiran.

Madaling kapitan ng sakit ng TB ang mga kalalkihan kaysa sa mga kababaihan dahil sa mga bisyo tulad ng pag-inom ng alak at paninigarilyo.

Sa ilalim ng TB Directly Observed Treatment Short course (DOTS) program ng CHO, ang pasyente ay kailangang sumailalim sa anim na buwang gamutan. “Tutok Gamutan” ang tawag sa unang dalawang buwan kung saan kinakailangan na pumunta araw araw sa Health Center upang uminom ng gamot ang TB patient. Ito ay pinangangasiwaan ng midwife o health worker. Kada linggo naman ang pagpapainom ng gamot sa susunod na apat na buwan.

Kada dalawang buwan ay ineeksamin ang pasyente upang malaman kung positibo pa din o negatibo na ito sa TB. Ganap nang magaling sa TB ang pasyente pagkatapos ng anim na buwan.

May 1,225 kaso ng TB ang naitala sa Batangas City noong 2018 kung saan ang target CNR ay 1,218. Mula sa 90% na success treatment rate, nakakuha ang CHO ng 93%.

Ipinabatid din ni Atienza na sa pakikipagtulungan sa DOH Region IVA, isang TB mass screening ang isasagawa sa Teachers Conference Center sa March 27 kung saan 200 ang target nila.

Aanyayahan nila ang mga diabetic at hypertensive patients gayundin ang mga tricycle drivers at mga kasama sa bahay ng mga TB patients na itinuturing na kabilang sa high -risk group upang dumalo dito. Bibigyan sila ng libreng chest xray.

Patuloy din sila sa pagsasagawa ng lecture sa mga barangay para sa awareness sa naturang sakit at upang hikayatin ang mga pasyente na lumantad upang magpagamot.

Payo ng CHO sa mga TB patients na nagpapagamot sa mga private doctors na hindi na kayang isustain ang pagbili ng gamot, makipag ugnayan lamang sa CHO upang masiguro ang kanilang paggaling. Huwag ding itago at ikahiya ang sakit na TB at sa halip ay agad ipagamot. (PIO Batangas City)