Paalaala sa pagdiriwang ng World Diabetes Day , magkaroon ng healthy lifestyle

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg

Ang diabetes na isa sa mga nangungunang dahilan ng pagkakasakit at ng kamatayan sa Batangas City ay pwedeng maiwasan sa pamamagitan ng healthy lifestyle ayon sa City Health Office (CHO) sa pagdiriwang nito ng World Diabetes Day, November 28 .

Ang diabetes ay isang sakit kung saan mataas ang sugar level ng isang tao. Ang mga uri ng sakit na ito ay type 1 diabetes o yuong tinatawag na juvenile diabetes kung saan ang apektado ay ang mga bata at insulin dependent. Ang isa pa ay ang type 2 diabetes kung saan ang apektado ay yuong mga edad 30 taon at pataas at mga overweight. Ang type 3 ay ang tinatawag na gestational diabetes o nararanasan tuwing nagbubuntis ang isang ina. Sa lecture na isinagawa ng CHO kung saan ito ay dinaluhan ng mga diabetes patients sa Teachers Conference Center, sinabi ni Dr. Angela Grace Alegre ng CHO na kailangan ng isang pasyente ang suporta ng pamilya upang maiwasan at ma manage ang diabetes. Mahalaga aniya ang tamang life style sa pamamagitan ng balanced diet at ehersisyo. “Reducing the family’s risk starts at home,” sabi ni Dr. Alegre. Kaya dapat aniyang lutuan ng mga nanay ng tamang pagkain ang kanilang mga anak at huwag itong sanayin sa mga pagkain sa fast food chain.

Sinabi naman ni Dr. Rosalie Masangcay, officer 1 ng Provincial Health Office, na ang mga taong may mataas na risk sa diabetes ay yuong mga overweight at may family history. Ang mga masamang epekto ng sakit ay pagkabulag, pagkaputol ng paa, hypertension, stroke at sakit sa kidney na humahantong sa dialysis.

Itinuro niya ang tamang management ng diabetes sa pamamagitan ng NEW START na acronym sa mga sumusunod: nutrition kung saan mahalaga ang tamang pagkain; excercise kagaya ng 30-minute walk araw-araw; water na dapat ay walong baso o higit pa ang inumin bawat araw; stress na dapat iwasan at sleep na dapat umabot sa walong oras isang araw, treatment upang maiwasan ang komplikasyon; avoid-smoking, alcohol, herbal medicine; rescue sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga natutunan tungkol sa diabetes management sa pamilya at ibang tao; at trust sa sarili at sa Diyos.

Tinalakay ni Dr. Lovely Estrella Cabral, dentist 1V ng CHO ang tungkol sa mga oral health problems ng mga diabetic kagaya ng dry mouth, sores, gum infection, gingivitis, at iba pang gum diseases, taste disorder, delayed wound healing, at sour smell. Pinayuhan niya ang mga diabetic na magkaroon ng dental hygiene at pagpapalinis ng ngipen at pagkonsulta sa dentista tuwing ika anim na buwan.

Ayon naman kay Eva Mercado ng City Nutrition Division, mahalagang kumain ng balanced diet. Small, frequent eating ang guide. Iwasan ang sobrang protein dahil sa ito ay nakakaapekto sa kidney at ang sobrang taba upang huwag tumaas ang cholesterol. Bawasan din ang mga starchy food kagaya ng patatas sapagkat ito ay may mataas na glycemic index na nakakapagpataas ng blood glucose level ng isang tao at sa halip ay kamote ang kainin. Mas magaling ding kainin ang brown rice at iba pang high-fiber food. (PIO Batangas City)