Proposed ordinance sa septage management tinalakay sa public hearing

  1.jpg 10.jpg 11.jpg 12.jpg 13.jpg 14.jpg 15.jpg 16.jpg 17.jpg 18.jpg 19.jpg 2.jpg 20.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

Tinalakay sa public hearing ng Sangguniang Panglungsod, October 22, ang panukalang “The Batangas City Septage Management Ordinance” na inakda ni Konsehal Nestor Boy Dimacuha bilang pagtupad sa ipinaguutos ng Republic Act 9275 o Philippine Clean Water Act.

Dumalo rito sina City Administrator Narciso Macarandang, City Legal Officer Teodulfo Deguito, mga kinatawan ng Prime Water Corporation, Batangas City Water District (BCWD), Provincial Environment and Natural Resources Office (PGENRO), City Environment and Natural Office (CENRO) at kinatawan ng City Engineer’s Office. Narito rin ang mga barangay officials, mga estudyante at kinatawan ng paaralan at iba pang sektor.

Ayon kay Councilor Alyssa Atienza-Cruz, chairman ng Committee on Laws, Rules and Regulations, ang nasabing ordinansa ay isang “mahalagang bahagi upang maging isang reyalisasyon ang Clean Water Act at isa ito sa hinihingi ng batas upang maisakatuparan ang mithiing magkaroon ng malinis na tubig ang ating bansa. Nakasaad din sa nasabing batas na dapat sa taong 2020, lahat ng local government units ay mayroon nang septage management systems.”

Ilan sa probisyon ng ordinansa ay ang pagkakaroon ng mandatory na paglilinis ng mga poso negro o septic tanks ng bawat bahay at establisimiento. Kailangan ding magsagawa ng pagsasaayos ng mga poso negro.

Ayon kay Lala Fabella, Waste Water Treatment Program officer-in-charge ng Prime Water na siyang nangangasiwa ngayon ng water services sa lungsod kasunod ng isang kasunduan sa Batangas City Water District, nakasaad sa batas na dapat baguhin na ang lumang istraktura ng mga septic tanks, ang tinatawag na earth and pit. Ito ay ang nakagisnang hukay na walang dingding at flooring.

“Ang bagong disenyo ng septic tank ay magkakaroon ng dalawang chambers kung saan selyado ang bawat dingding maging ang sahig nito. Sa isang chamber, iipunin ang mga solid wastes samantalang sa kabilang chamber naman dadaloy ang clarified water na maaaring dumiretso sa ating mga kanal. Sa 2-chamber design na ito, madaling masisipsip ng ating mga truck ang mga dumi upang dalhin sa ating itatayong septage treatment plant. Dito, ang mga dumi ay lilinisin at pag malinis na, ito ay padadaluyin na sa ating mga sapa,” sabi ni Fabella.

“Kung hindi po natin gagawin ang improvement sa ating mga septic tanks, at mananatili tayo sa earth and pit system, didiretso ang mga dumi sa mga aquifer kung saan dito natin kinukuha ang ating mga tubig-inumin,” dagdag pa ni Fabella.

Ipinaliwanag din niya na ang Septage Management Program ng lungsod ay may tatlong components. Una ay ang regular desludging o pagpapahigop ng isang beses kada limang taon upang malinis ang mga poso negro. Ikalawa ang pagpapatayo ng septage treatment plant at ang huli ay ang proper disposal ng mga outflow.

Pinuna naman ni City Administrator Narciso Macarandang ang mabigat na penalty ng ordinansa sa mga lalabag kung saan ang multa ay mula P 1,000 hanggang P5,000 kasama ang community service. Iminungkahi niya na pag-aralan munang maige ang ordinansa bago ito ipasa.

“Ang nakakuha talaga ng aking pansin ay ang nakalagay sa ordinansa na maaari tayong idemanda kung hindi tayo maka-comply sa pagbabago ng design ng septic tanks. Napaka-higpit nito kumpara sa ibang septage management ordinances na nabasa ko sa ibang lugar,” sabi niya.

Itinanong naman ng ilang mga barangay captains ang tungkol sa paraan ng pagbabayad para sa pagpapasipsip ng poso negro.

Sagot ni Fabella na “ito po ay babayaran ng instalment at isasama sa water bill ng ating consumers buwan-buwan. Pumapatak po ito sa P3.92 per cubic metre o P78 kada buwan sa limang taon. Malaking mura po ito kumpara sa mga private services na nagkakahalaga ng P6,000-P7,000 per service.

Samantala, may nagkomento sa mabagal na serbisyo ng tubig lalo na sa ilang parte ng lungsod. Sinigurado naman ng mga kinatawan ng Prime Water na tututukan nila ang mga reklamong ito upang maging mas maayos ang kanilang serbisyo.(PIO Batangas City)