Barangay Conde Itaas muling nahirang na regional outstanding barangay nutrition committee

  1.jpg 10.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

Hinirang na 2017 Regional Outstanding Barangay Nutrition Committee (ROBNC) ang Barangay Conde Itaas Batangas City sa ika-apat na taon sa pangunguna ni barangay chairman Apolinario Camo sa isinagawang 2018 Regional Nutrition Awarding Ceremony for CALABARZON na ginanap sa Acacia Hotel sa Alabang noong ika-14 ng Agosto.

Kasabay ng awarding ang pagkilala kay Gng. Graciana Suarez ng naturang barangay bilang finalist para sa Regional Outstanding Barangay Nutrition Scholar sa ikatlong sunod na taon.

Tinanggap ni Pangulong Camo ang plake para sa barangay habang si Suarez naman ay tumanggap ng plake at cash prize na P 3,000.

Kasama rin ng delegasyon ng Batangas City ang hepe ng City Nutrition Division na si Luciana Manalo at ibang opisyales ng barangay.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Camo na bukod sa pagpapanatili ng zero malnourished ng mga batang may edad 0-59 months, pinalakas nila ang kampanya sa breast feeding. Kabilang aniya sa mga programa nila ang pang-araw-araw na serbisyo ng kanilang health center sa mga buntis at sanggol, pagsusulong ng zero homebirth, libreng vitamins para sa mga bata, feeding program, family planning, maintenance and sanitation, home and community food production at nutrition education sa pamamagitan ng Pabasa para sa Nutrisyon.

Tinuturuan din sila sa pag-iwas at pagkontrol sa mga nakakahawang sakit at epidemya.

“Para naman sa ating tema ngayong taon na ‘Ugaliing Magtanim, Sapat na Nutrisyon Aanihin’, buong pagmamalaki kong ipinaalam sa inyo na halos 100% ng aming kabahayan ay mayroong taniman ng gulay at prutas sa kanilang bakuran. Noong 2017, pinag-aralan at matagumpay na ginamit namin ang organikong pamamaraan ng pagtatanim ng mga gulay upang maging ligtas ang mga ito sa kemikal na mapanganib sa kalusugan ng mga tao,” ayon kay Camo.

Ang pagpili sa mga nagwagi ay isinagawa sa pamamagitan ng pagbisita ng mga myembro ng Regional Nutrition Council CALABARZON sa ibat-ibang lungsod at lalawigan upang magsagawa ng ebalwasyon at matutukan ang implementasyon ng nutrition program.

Ayon kay Congresswoman Arlene Arcillas, keynote speaker ng okasyon, hindi dapat natatapos sa mga awards ang responsibilidad ng isang local government unit upang labanan ang malnutrisyon.

“Kailangan po nating umisip ng mga pamamaraan kung paano pa natin mas mapapalakas ang serbisyo hinggil sa malnutrition. We should all work hand in hand to fight this and think of ways to do better,” dagdag pa ni Arcillas.

Tinanghal na Regional Outstanding BNS in the Region si Sarah Villacarillo ng Sta. Rosa City. samantalang ginawaran ng Nutrition Honor Award (NHA) ang bayan ng Sta. Rosa, Laguna. (PIO Batangas City)