Isa pang national high school itinayo ng Dep Ed

  1.jpg 10.jpg 11.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

BATANGAS CITY- Ang dating Batangas National High School (BANAHIS)-Malitam Annex ay isa ng Malitam National High School na pinasinayaan noong ika-10 ng Hulyo sa pangunguna nila Mayor Beverley Rose Dimacuha at Congressman Marvey Marino.

Ayon kay OIC Division Schools Superintendent Dr Donato G. Bueno, ang naturang paaralan ang ika-21 national high schools sa lungsod kung saan ito ay inaprubahan ng Dep Ed na maging Junior High School sa layuning mailapit ang mga paaralan sa lugar kung saan maraming mag-aaral. Tulad aniya ng kanyang initials na DGB, “ang Malitam NHS ay bunga ng Dedikasyon, God’s presence at Blessing na mula kina Mayor Dimacuha at Congressman Mariño.”

Isang two-storey eight-classroom building para sa Junior High School ang ipatatayo ni Mayor Beverley habang isusulong naman ni Cong Marvey na makakuha ng budget sa Kongreso para sa konstruksyon ng Senior High School building dito.

Sa kasalukuyan ay tatlong classrooms na pansamantala munang hiniram mula sa Malitam Elementary School ang inookupa ng may 157 grade 7 students.

Ayon kay OIC Principal Estelita Gonzales, “ang Malitam NHS ay biyayang maraming mag-aaral ang tunay na uunlad at makikinabang.”

Lubos ang pasasalamat ng mga magulang ng mga grade 7 students sa pangunguna ni PTA President Librada Fajiculay. “Napakapalad ng aming mga anak sa magandang pagkakataong ipinagkaloob sa kanila. Hindi na kailangang mamasahe pa ng mga bata patungo sa bayan,” dagdag pa ni Fajiculay.

Ang unveiling ng marker ay isinagawa nina Dr Bueno at ni Pangulong Mamerto Marasigan.

Dumalo din sa nasabing okasyon sina Coun. Serge Atienza na chairman ng Committee on Appropriation at Coun. Alyssa Cruz na chairman naman ng Committee on Education ng Sangguniang Panlungsod.(PIO Batangas City)