City government employees nag seminar sa sexual harassment

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

Nagsagawa ng seminar tungkol sa Sexual Harassment ang Human Resource Management and Development Office(HRMDO) para sa mga empleyado ng pamahalaang lungsod upang maging aware sila na ang sexual harassment sa workplace ay dapat labanan at ireklamo sapagkat may batas na nagpoprotekta sa mga nagiging biktima nito.

Ayon kay Aurea Castillo, head ng HRMD ng pamahalaang lungsod, suportado ni Mayor Beverley Dimacuha ang ganitong seminar upang maiwasan ang problemang ito na nakakaapekto sa trabaho at personal na buhay ng isang empleyado. “Kung maiiwasan ang mga ganitong kaso, mas makakapagbigay ng epektibong serbisyo ang mga empleyado,” dagdag pa ni Castillo.

Sinabi rin niya na ang nasabing seminar ay isa mga proyektong pumapatak sa Gender and Development (GAD) budget ng lungsod at isinagawa sa pakikipagtulungan ng Civil Service Commission.

Kung may nararanasan aniyang kaso ng sexual harassment na may kaukulang parusa alinsunod sa RA 7877 o the Anti Sexual Harassment Act of 1995, pwede itong ireklamo sa Commiteee on Decorum and Investigation (CODI) na mayroong ang pamahalaang lungsod upang siyang magiimbestiga at magdedesisyon dito.

Nagsilbing resource speakers sina Special Investigator IV Royal Feril kung saan binigyang linaw niya kung ano ang batas laban sa sexual harassment habang ang procedural rules on administrative cases naman ang tinalakay ni Atty Henry Pablo Jr., special investigator III ng Civil Service Commission Regional Office.

Ayon kay Pablo, kapag “unwanted” o masama sa pakiramdam ng isang babae ang ginagawa ng isang tao sa kanya, ito ay pwedeng ireklamong sexual harassment maging ito man ay pisikal, verbal o may paggamit ng anumang bagay. “Ang simpleng pagtingin na may malisya ay maaaring ireklamo bilang sexual harassment,” sabi niya.

Ang mapapatunayang lalabag dito ay maaaring matanggal sa trabaho sa administrative case laban sa inereklamo at parusang pagkabilanggo naman sa criminal case para sa grave offense.

Binigyang diin ni Pablo na kailangang magkaroon ng respeto sa kapwa upang maiwasan ang mga ganitong kaso o pangyayari.

Sinabi rin niya na mandatory sa isang local government unit na magkaroon ng CODI at failure to do so will be a “neglect of duty”.

May 40 kawani mula sa ibat-ibang departamento ang bumubuo sa bawat batch na sumailalim sa seminar. May tatlong batches ng empleyado ang participants sa one- day seminar na ito na nagsimula kahapon, February 19.(PIO Batangas City)