625 drug surrenderers nagtapos sa SIPAG recovery program ng PNP

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg

May 625 na drug surrenderers mula sa 28 barangay sa Batangas City ang second batch na nagtapos sa Simula ng Pag-asa(SIPAG) na isang rehabilitation and reformation program ng Philippine National Police kung saan ito ay nakasentro sa moral recovery at spiritual renewal ng mga drug victims.

Idinaos ang graduation ceremony ngayong February 9 sa Batangas City Convention Center kung saan tinanggap ng mga graduates ang kanilang certificates of completion mula Kay Batangas City Police OIC PSupt. Wildemar Tiu, Deputy Chief of Batangas Provincial Police Office (BPPO), Community Relations, Pol. Chief Inspector Allan Reyes, ABC President Dondon Dimacuha , City Mayor’s representative Manolo Perlada at mga pastor na kabilang sa Batangas Ecumenical Group na lumahok sa programang ito. Kasama ng mga graduates ang kanilang mga barangay captains at ilang mga volunteers na tumulong sa kanila habang sumasailalim sa SIPAG na tumagal ng 12 linggong sessions.

Sa kanyang welcome remarks, binanggit ni Tiu ang bible verses tungkol sa mga pagsubok na pinagdadaanan ng tao at kung papaano tumutulong ang Panginoon upang malampasan ang mga pagsubok na ito at ang pag-asa sa mga nagkakasala upang makapagbagong buhay. Sinabi ni Pol. Chief Inspector Allan Reyes na kumatawan sa guest speaker na si PSSupt. Alden Delvo, OIC ng BPPO, na hindi dito nagtatapos ang recovery ng mga graduates kundi “simula pa lang ng tunay na pagbabago.” Binigyang diin din niya na ang natanggap na certiicate ay hindi “passes” o hindi na pwedeng hulihin kung babalik sa maling gawi.

“Inaasahan po naming ang inyong pakikisa. Kayo na ang mismong magbabantay sa inyong mga barangay upang huwag itong mapasok ng ilegal na droga,” sabi ni Reyes. Nanawagan din siya sa mga SIPAG graduates na tumulong sa kapulisan at sa mayor na gawing drug-free ang Batangas City.(PIO Batangas City)