Jewelry shop nanakawan sa pamamagitan ng paghuhukay ng underground manhole

  1.jpg 2.jpg

Ninakawan ang Golden Sun Jewelry shop na nasa Evangelista St. Barangay 16, Batangas City sa pamamagitan ng pagdaan sa drainage canal kung saan gumawa ang mga magnanakaw ng underground manhole papuntang jewelry shop.

Ayon sa ulat ng Batangas city PNP, tinatayang sa pagitan ng alas 10:00 ng gabi ng February 4 hanggang alas 8:00 ng umaga ngayong February 5 ng pinasok ng mga suspek ang jewelry shop na pag-aari ni Adelaida Señosa kung saan natangay ang mga alahas at perang nagkakahalaga ng P11milyon. Ito ang unang pagkakataon na naganap ang ganitong modus operandi ng pagnanakaw sa lungsod.

Ang mga suspek ay tumakas gamit muli ang naturang manhole sa di malamang direksyon. Narekober ng mga pulis ang ginamit sa pagnanakaw tulad ng manual drill, screw, jack, wooden blocks at iba pa.

Mahigpit ang paalaala ni Batangas City PNP Chief PSupt Wildemar Tiu sa mga financial at banking institutions, jewelry shop at iba pang business establishments sa lungsod na maging alerto at siguraduhing may gwardya at cctv cameras ang kanilang mga establisimiento para sa seguridad nito.

Kaagad nagpatawag ng pagpupulong si PSupt Tiu upang ipaabot ang paalala at magbigay ng instructions sa mga tauhan ng PNP kaugnay ng insidente.

Sa kasalukuyan ay pinaghahanap ngayon ng mga tauhan ng pulisya ang mga suspek sa nasabing nakawan.

Nanawagan ang Batangas City PNP sa sinumang makakakilala sa dalawang possible persons of interest na makikita sa cctv footage ay ipagbigay alam lamang sa tanggapan ng pulis. Tinitiyak niya na ang lahat ng impormasyon tungkol dito ay confidential at pangangalagaan ang kaligtasan ng mga informers.

Ayon sa hepe, naiulat rin ang ganitong paraan ng pagnanakawa, sa Bacoor, Cavite, San Pablo City at Calamba City. (PIO Batangas City)