Batangas City team kalahok sa 1st Maharlilka Philippine Basketball League

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg 6.jpg 7.jpg 8.jpg 9.jpg

Isa ang Batangas City-Tanduay sa 10 koponan na kalahok sa kauna-unahang Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) na binuksan sa Smart Araneta Coliseum nitong January 25 sa pangunguna ng founder ng liga na si Senator at boxing icon Manny Pacquiao. Ang siyam pang kalahok na koponan ay galing sa Bataan, Bulacan, Caloocan, Imus, Muntinlupa, Navotas, Paranaque, Quezon City, at Valenzuela.

Ayon kay Pacquiao, layunin ng liga na bumalik sa ‘grassroot level’ ang larong basketball upang mabigyan ng oportunidad ang mga magagaling na basketball players sa buong Pilipinas na makapaglaro sa Philippine Basketball Association( PBA). “Kung mapapansin po natin, halos lahat ng players sa PBA ay nanggagaling sa colleges at universities sa Pilipinas. Subalit paano naman po yung mga magagaling na manlalaro na walang kakayahang mag-aral dahil sa hirap sa buhay? Dito po pumapasok ang MPBL. Ang mabigyan sila ng oportunidad na maipakita ang kanilang galling sa larong basketball,” sabi ni Pacquiao.

Itinalaga bilang commissioner ng liga si dating PBA superstar Kennerh Duremdes. Makakasama niya bilang Operations Manager ang isa ring dating PBA player na si Zaldy Realubit. Tumatayong Overall Head of Production and Marketing ang kilalang talent manager na si Arnold Vegafria.

Dumalo sa nasabing event si Batangas 5th District Representative Marvey Marino upang magbigay ng suporta sa koponan ng Batangas City-Tanduay. Nagsalita rin si Mariño sa dugout upang magbigay ng pep talk at siguraduhin sa team na buong-buo ang suporta ng lungsod sa kanilang magiging laban sa MPBL.

“Hindi mahalaga kung sakaling matalo dahil ito ay kasama sa lahat ng paligsahan. Ang mahalaga, ibigay nyo lahat ng makakaya at huwag aayaw, dahil ito ang tatak ng isang tunay na Batangenyo,” dagdag pa ng congressman.

Kasama ni Mariño si Team Manager Mr. Gerry Tee, ABC President Angelito Dondo Dimacuha, asst.team manager Guilberto Alea, team coach Mr. Mac Tan at ang team owner ng Tanduay na si Mr. Bong Tan.

Ilan sa mga ‘homegrown players’ ng lungsod na napasama sa final cut ng Batangas City-Tanduay ay sina Joco Macasaet ng Brgy. 17, Cesar Atilarez ng Sta. Clara, Marvin Macalalad ng Gulod Labac at Francis Pedrosa ng Barangay Alangilan.

Nagsilbing muse ng koponan si 2018 Bb. Lungsod ng Batangas Queenie Espeleta.

Ang MPBL ay lalaruin sa iba’t-ibang venues sa mga probinsiya ng mga kasaling koponan. Ito ay single-round robin lamang. Ang magiging kampeon sa Luzon o Northern Leg ng torneo ay haharapin naman ang magiging kampeon sa Viz-Min o Southern Leg ng liga. Ang magwawagi dito ang tatanghaling kauna-unahang Maharlika Pilipinasa Basketball League champion. (PIO Batangas City)