Livelihood training ng TESDA dadalhin sa barangay

  TESDA1.jpg TESDA2.jpg TESDA3.jpg

BATANGAS CITY-Mismong ang Technical Education and Skills Development Authority(TESDA) na ang pupunta sa mga barangay upang makapagsagawa ng mga skills training sa mga residente dito sa ilalim ng programang Barangay Kasanayan para sa Kabuhayan at Kahirapan (BKKK).

Ito ay kasunod ng Me¬morandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng TESDA at ng Liga ng mga Barangay sa buong Pilipinas kung saan sa pamamagitan nito ay masusuyod na ng TESDA ang lahat ng sulok ng mahigit sa 42,000 barangay sa buong bansa upang maipatupad ang programang BKKK.

Kaugnay nito, nagkaroon ng pagpupulong ang lahat ng mga barangay officials at secretaries ng Batangas City at ang TESDA Batangas OIC Director na si Gene Mercado upang ipaliwanag ang nasabing programa na ipatutupad sa mga barangay.

Ayon kay Mercado sa pamamagitan ng MOA na ito ay matutukoy na ng kanilang ahensiya kung anong skills training at livelihood programs ang nararapat sa bawat barangay base sa kanilang isasagawang survey at pag- aaral.

Sinabi naman ni ABC President Dondon Dimacuha na makikipagtulungan din ang Liga ng mga Barangay upang matukoy kung sino ang mga magbebenepisyo ng training programs sa kanilang lugar bukod pa sa pagmomonitor ng programa at ang pagtulong sa pagpapalakas ng Technical/ Vocational Education and Training (TVET) sa bawat barangay.

Kahit sinong taga barangay, ano man ang edad ay pwedeng makinabang sa BKKK kung saan kabilang din ang mga persons with disabilities, mga kababaihan , anak ng OFW at maging anak ng mga bilanggo. Ang ibibigay sa kanilang pagsasanay ay base sa kanilang natapos. Ang TESDA ay magbibigay ng registration form sa mga barangay kayat magiging madali sa mga residente dito ang mag enroll. Kabilang sa mga kursong ipagkakaloob nila ay ang basic computer servicing, literacy at programming, hairdressing, beauty care, dress making, tailoring, welding, silkscreen printing, Industrial Sewing Machine Operator( ISMO), finishing carpentry, furniture and cabinet making, foot wear and leather goods at pipe -fitting. (PIO Batangas City)