Linggo ng Kabataan 2021 activities, inilatag ng SK Federation Batangas City

  1.jpg

Ibat-ibang gawain ang inihanda ng Sangguniang Kabataan (SK) Federation ng lungsod sa pagdiriwang ng Linggo ng Kabataan 2021 mula August 18 hanggang September 6 na may temang “Youth Engagement and Empowerment in this New Normal”.

Ayon kay SK Federation President Marjorie Manalo, nagsimula ang kanilang selebrasyon sa pamamagitan ng isang virtual thanksgiving mass noong August 18 na live na napanood sa kanilang facebook page. Para aniya sa mga kabataang nais magsimula ng sariling negosyo, isang online Entrepreneurship Training ang kanilang isinagawa noong August 23.

Halagang P 20,000 ang mapapanalunan ng tatanghaling mga kampeon sa Inter-Barangay Mobile Legends Tournament na lalahukan ng grupo ng mga mga kabataan mula sa 65 barangays sa August 23-25. Isang agricultural seminar ang idadaos ng 4H Club Federation ng lungsod sa August 24 bilang myembro ng City Youth Development Office (CYDO).

Magsasagawa naman ang JCI Caballero bilang myembro ng City Youth Development Council (CYDC) ng Start Up 101: Young Entrepreneurs of Tomorrow sa August 25 kung saan nag-imbita sila ng mga successful entrepreneurs upang magbahagi ng kanilang karanasan sa pagsisimula ng negosyo at upang magbigay ng payo upang maging matagumpay dito. Personality Development and Values Formation for the Youth ang tatalakayin sa August 26 ng mga myembro ng Association of Daligueno’s Youth upang turuang higit na maging disiplinado ang mga kabataang Batangueno.

Magagawad ng parangal ang JCI Caballero sa mga natatanging mag-aaral ng lungsod ng Batangas sa ika-27 ng Agosto. Youth Empowerment Seminar ang hatid ng mga myembro ng Rotaract Downtown Batangas sa August 31 habang magsasagawa ng Tide Turner’s Plastic Challenge – Online Workshop ang BSP Batangas City Council sa September 2.

May nakatakda ding isagawang Bloodletting Activity ang grupo sa September 3 sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Red Cross. Highlight ng selebrasyon ang Online SK Got Talent Season 3 sa September 6 kung saan may pagkakataong maipakita ng mga kabataan ang kanilang angking talento sa pamamagitan ng pagpapadala ng recorded video.

Tatanggap ng P 10,000, P7,000 at P 5,000 na cash prize ang mga magwawagi dito. Samantala, pipili ang SK Federation ng 3 single youth parent sa lungsod na tatanggap ng business package sa ilalim ng kanilang programang SK Kagapay: Adopt a Single Youth Parent.

Ang mga nabanggit na proyekto ay bukas sa mga kabataan ng lungsod edad 15 hanggang 30 taong gulang. Kailangan lamang i-follow ang facebook page ng Panglungsod na Pederasyon ng Sangguniang Kabataan – Batangas City para sa karagdagang impormasyon upang makalahok. (PIO Batangas City)