Paghahanda sa kalamidad itinuro sa Brigada Eskwela sa isang public high school

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg 5.jpg

BATANGAS CITY-Hindi lamang nagtulong tulong ang mga guro, magulang at mga eskwela sa idinaos na Brigada Eskwela sa Balete National High School kundi natuto rin sila sa isinagawang disaster management seminar ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) bilang paghahanda ng kanilang paaralan sa darating na pasukan ngayong Hunyo.

Dala ang mga pinturang donasyon para sa paaralan, tumulong ang mga magulang na magpinta ng mga classrooms. Binarnisan ang mga upuan at ginawa ang mga sirang silya. Pinalitan din ang mga sirang blackboard. Inayos ang mga sirang bubong. Todo linis din ng paaralan. Para sa ilang magulang, ginagawa nila ito bilang pasasalamat sa libreng edukasyon ng kanilang mga anak.

Lubos naman ang pasasalamat ng DepEd sa lahat ng nakiisa at nag volunteer na tumulong sa Brigada Eskwela. Sa gawaing ito anila makakatipid ang gobyerno at maiilaan ang resources sa iba pang panga¬ngailangan ng mga paaralan. Kabilang naman sa mga itinuro ng CDRRMO ang safety tips upang makapaghanda sa lindol, baha, tsunami, bagyo at iba pang kalamamidad.

Ang limang araw na Brigada Eskwela na nagsimula noong Lunes ay may temang “Para sa Handa, Ligtas at Matatag na Paaralan Tungo sa Magandang Kinabukasan.”(PIO Batangas City)