Pagsasaayos ng mga pangunahing kalsada sisimulang ngayong tag-araw

  1.jpg 2.jpg 3.jpg 4.jpg

Ilang mga pangunahing kalsada sa Batangas City ang sisimulang ipaayos ngayong Abril kung saan ito ay popondohan ng pamalahalaang lungsod mula sa bahagi ng P1 billion loan nito sa Land Bank of the Philippines.

Kabilang dito ang pagko-konkreto ng Kumintang Ibaba Road, kalsada mula sa Calumpang Bridge no. 3 sa barangay Gulod Labac hanggang P. Hererra St. at BIR Road na may kabuuang habang 2,812.81 metro na gagawan din ng kanal.

Magsasagawa naman ng asphalt overlay sa may 15,879.85 metrong haba ng kalsada sa Poblacion, kung saan kabilang dito ang bahagi ng M.H Del Pilar (brgy. 19) hanggang tulay ng Calumpang, P. Genato, P. Zamora, P Gomez, Evangelista, Noble, C. Tirona, mga kalye sa Brgy 6 at iba pa. Concrete Road with asphalt naman ang gagawin sa DJPMM o Bagong Palengke hanggang DJPMM Access Road - Delas Alas hanggang sa may Batangas State University. Ganito rin ang gagawing pagsasaayos sa Cuta Road at bahagi ng M.H Del Pilar sa may Julian Pastor Memorial School at iba pang kalye na may kabuuang haba na 2,779.30 metro. Ipapagawa rin ang mga kanal sa Bagong Palengke.

Magpapagawa rin ng concrete pavement mula DJPMM Access Road, De Alas Alas Drive hanggang Arrieta Road.

Samantala, on-going pa rin ang construction ng Calumpang 3rd bridge na sa ngayon ay mahigit na sa 60% ang natapos sa kontruksyon sa bagong desenyo nito. Ayon kay Engr. Ronald Litan, project engineer ng 3rd Bridge, binago ang desenyo ng tulay base sa rekomendasyon ng kanilang Taiwanese designer at architectural firm upang higit na maging matibay at ligtas ito. “May mga bago silang nakitang factors, kaya magkakaroon ng additional foundation sa ilog, kung dati ay siyam magiging 12 na ito. Mas pinalaki rin ang dimension ng pile cap,” dagdag ni Litan.

Inaasahang matatapos na rin ang konstruksyon ng Market III sa Don Julian Pastor Memorial Market o Bagong Palengke sa target date nito sa Agosto 2018. Kapag natapos na, ang Market 111 ay maiihalintulad ito sa mga malalaking supermarkets na may malawak na espasyo para sa mas maginhawa at maalwang pamimili. May angkop at magkakahiwalay na lugar sa bawat section ng paninda kagaya ng meat at fish section, fruits and vegetables at dry good sections. Ayon sa City Engineer’s Office (CEO) mahigit 90% completed na ang konstruksyon ng gusali ng Colegio ng Lungsod ng Batangas (CLB). Ito ay may 22 silid aralan kung saan lima dito ay nasa 1st floor at ang 17 classrooms ay nasa 2nd floor.

Bukod sa mga classrooms at offices mayroon ding medical at dental clinics at audio visual rooms sa first floor. Nasa second floor naman ang College Library na kayang maglaman ng 400 na daang mag-aaral. Kabilang din sa bagong pasilidad ang dalawang computer laboratories at science laboratory. Tuloy tuloy rin ang konstruksyon ng canteen dito.

Patuloy rin ang konstruksyon ng phase 1 ng 2 storey- City Engineer’s Office. Ayon sa CEO tinatayang makukumpleto ang konstruksyon ng gusali sa susunod na taon. Inaasahang matatapos din ang konstruksyon ng 3-storey City Public Library and Information Center sa susunod na taon. Ito ay may modernong disenyo ng gusali at mga pasilidad na magbigay ng magandang serbisyo sa mga estudyante at iba pang library users na pupunta rito.

Ang library na ito ay may tatlong palapag at open roof deck. Sa first floor nito ay magkakaroon ng lobby at commercial spaces. Ang 2nd at 3rd floors ang library area, kung saan sa 2nd floor ay mayroon ding exhibit hall, nursery at children section, discussion rooms, hub tech for education kung saan may mga computers dito para malaman o maka access sa mga government services (e-government services), tanggapan ng city librarian at pantry.

Sa 3rd floor naman ay ang study area, audio- visual room at electronic library na maglalaman ng 18 computers na magagamit para sa mas mabilis na pagsasaklisik at pag-aaral ng mga estudyante at iba pang researchers. Isinasaayos din ngayon ang façade ng City Hall at ang Plaza Mabini. (PIO Batangas City)