Boy scouts, nagpasiklaban ng talento sa 2017 Search for That’s My Kab

  KAB1.jpg

Tinanghal na 2017 Search for That’s My Kab grand winner ang pitong taong gulang at Grade 2 student ng Tibig Elementary School na si Matt Jayrus Evangelista.

May 21 boy scouts mula sa iba’t ibang public at private schools ang lumahok sa nasabing kompetisyon na ginanap noong September 8 sa Batangas City Convention Center.

Layunin ng nabanggit na kompetisyon ng Boy Scout of the Philippines - Batangas City Council na mahubog ang personalidad ng mga batang scout at madevelop ang kanilang angking galing at tiwala sa sarili.

Napiling 1st runner up, Kab Photogenic at Best in Talent ang kinatawan ng Batangas City South Elementary School na si Euan Gavryel Bayes; 2nd runner up si Tyshawn Eirkin Marquez ng Sorosoro Elementary School; 3rd runner up si Kurt Andrei Atienza ng Bolbok Elementary School na sya ring nagkamit ng Best in Barong Tagalog award; at 4th runner-up at Best in Production Number ang kinatawan ng Bucal Elementary School na si John Carl de Torres. Nanalo rin sa special awards ang Best in Kab Uniform na pinagwagian ni Jon Andrew Papa ng Sta Rita Elementary School.

Nagsilbing panauhing pandangal ang Program and Adult Resources Development Executive ng National Office ng BSP Manila na si Yasser Zarona. Binigyang diin niya ang kahalagahan ng scouting sa paghubog ng mabubuting kabataan sa tahanan, komunidad at sa bansa. Malaki din aniya ang naitutulong ng samahan upang maging makabayan ang mga ito.

Ilan sa mga naging produkto ng That’s My Kab! ay ang TV at commercial model na si John Claude Mantala, Star Magic Talent at finalist ng The Voice Kids na si Luke Alford at marami pang iba. Tema ng 2017 KID Pasiklab and KABsayahan ay “Pagsulong ng Kawan Tungo sa Minimithing Kapayapaan at Kaunlaran”.

Samantala, Rank 1 sa Southern Tagalog Region - Search for Outstanding Boy Scouts of the Philippines si Reyshell Marie Lat na produkto din ng BSP Batangas City Council. Nagsilbi din siyang City Boy Vice Mayor sa proyektong City Boy Officials ng naturang council. (PIO Batangas City)