Humigit-kumulang 200 BCEES Learners at Magulang Nagparehistro sa PhilHealth YAKAP Program

01.jpg 02.jpg 03.jpg 04.jpg 05.jpg 06.jpg 07.jpg 08.jpg 09.jpg 10.jpg 11.jpg 12.jpg 13.jpg 14.jpg 15.jpg 16.jpg

TINGNI: Humigit-kumulang 200 mag-aaral ng Batangas City East Elementary School (BCEES) at kanilang mga magulang ang nagparehistro sa Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) ng PhilHealth noong Setyembre 14.

Isinagawa ang registration bilang bahagi ng “Handog ng Pangulo: Serbisyong Sapat para sa Lahat”, na naglalayong mailapit sa mga mamamayan ang iba’t-ibang serbisyong pampubliko, kabilang ang serbisyong pangkalusugan.

Sa ilalim ng YAKAP, maaaring makakuha ang mga kwalipikadong miyembro ng libreng konsultasyon, gamot at pangunahing laboratory tests, bilang bahagi ng pagsusulong ng preventive care at maagang pagtukoy sa mga sakit.

Katuwang ng PhilHealth sa programa ang Office of the City Health Officer (OCHO) bilang Primary Care Provider.

Ayon sa OIC-Local Health Insurance Officer ng PhilHealth Batangas na si Sherwin Solis, nasa 40% na ng mga mamamayan sa lungsod ang nakarehistro sa YAKAP.

Kabilang sa mga nagparehistro si Aling Aurea Dellava ng barangay Pallocan West kasama ang kanyang Grade 6 na anak. Aniya, malaking tulong ang programa upang mabawasan ang kanilang gastusin sa pagpapakonsulta.

Gayundin si Mary Joy Borillo ng barangay Kumintang Ibaba at ang kanyang mga anak na Grade 6 at Kindergarten, na ilang beses nang nakinabang sa mga benepisyo ng PhilHealth.

Dumalo sa aktibidad sina Cirilo Balmaceda ng PhilHealth Regional Office IV-B, Dr. Dandy Calingasan ng OCHO, BCEES Principal Dr. Iluminada Gayeta, at City Schools Division Superintendent Dr. Jimmy Panganiban. (PIO Batangas City)