195 Kabataang Batangueño, Benepisyaryo ng SPES 2026

01.jpg 02.jpg 03.jpg 04.jpg 05.jpg 06.jpg 07.jpg 08.jpg

TINGNI: Libo-libong kabataang Batangueño na ang nakinabang sa Special Program for Employment of Students (SPES) ng pamahalaang lungsod mula nang ilunsad ito noong 1992.

Layunin ng programa na pinangangasiwaan ng Public Employment Service Office (PESO) na mabigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na kumita at makapag-ipon para sa kanilang gastusin sa pag-aaral, habang nagkakaroon ng mahalagang karanasan sa pagtatrabaho sa iba't ibang tanggapan ng pamahalaan at iba pang katuwang na institusyon.

Ngayong taon, 122 estudyante ang kabilang sa unang batch ng SPES, habang 73 naman ang bumubuo sa ikalawang batch na nakatalaga sa iba't ibang opisina ng lokal na pamahalaan.

Ang bawat benepisyaryo ay tatanggap ng mahigit ₱12,000 na allowance kapalit ng 20 araw na pagtatrabaho.

Ang 60% nito ay mula sa pondo ng city government samantalang ang 40% ay manggaling sa pondo ng DOLE.

Ayon sa mga benepisyaryo, malaking tulong ang programa hindi lamang sa kanilang gastusing pang-edukasyon kundi maging sa kanilang personal at propesyonal na pag-unlad.

Ibinahagi ni Faye Ivy Carandang, incoming third-year BS Sanitary Engineering student ng BSU-TNEU Alangilan, na naging daan ang SPES upang magkaroon siya ng aktuwal na karanasan sa pagtatrabaho at mapaunlad ang mga kasanayang magagamit niya sa kanyang kurso at sa kanyang magiging propesyon sa hinaharap.

Samantala, hinikayat ni Monique Aligase, fourth-year Public Administration student ng BSU-Pablo Borbon at limang beses nang naging SPES grantee, ang kapwa niya mga estudyante na samantalahin ang oportunidad na hatid ng programa.

Aniya, bukod sa pinansyal na tulong, nagbubukas din ang SPES ng mahahalagang karanasan at oportunidad na makatutulong sa paghahanda ng mga kabataan para sa kanilang kinabukasan. (PIO Batangas City)