Diwa ng Bayanihan Ipinamalas ng mga CSO sa Brigada Eskwela 2026 sa Isla Verde

01.jpg 02.jpg 03.jpg 04.jpg

TINGNI: Ipinakita ng mga miyembro ng Civil Society Organizations (CSOs) sa lungsod ang diwa ng bayanihan sa matagumpay na pagsasagawa ng Brigada Eskwela 2026 sa Isla Verde noong Hunyo 4 bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase.

Sa pangunguna ng Youth on Mission Philippines Inc., katuwang ang Batangas City People’s Council (BCPC), nagsagawa ng pamamahagi ng mga school supplies, kagamitang pang-eskuwela, at bitamina para sa siyam na paaralan sa Isla Verde upang masuportahan ang mga pangangailangan ng mga guro at mag-aaral.

Bukod sa mga kagamitang pang-eskuwela, nagsagawa rin ang Batangas Medical Society na pinangunahan ni Bokal Dr. Jun Berberabe ng Mental Health Awareness and Anti-Bullying Campaign upang palakasin ang kamalayan ng mga kabataan hinggil sa kahalagahan ng mental health at pagpapanatili ng ligtas at maayos na kapaligiran sa paaralan.

Samantala, nagsagawa ang Institute of Integrated Electrical Engineers (IIEE), isa ring miyembro ng BCPC, ng inspeksyon sa mga electrical wiring ng mga silid-aralan upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasilidad ng paaralan.

Nagbigay naman ng suporta sa seguridad at karagdagang manpower ang Philippine Army upang matiyak ang maayos na daloy ng mga aktibidad.

Ang inisyatibong ito ay patunay ng patuloy na pagtutulungan ng mga CSOs, iba pang stakeholder, at ng lokal na pamahalaan sa pagsusulong ng dekalidad, ligtas, at inklusibong edukasyon para sa mga mag-aaral ng Isla Verde. (PIO Batangas City)