Makabagong Air Quality Monitoring System, Pinasinayaan sa Batangas City

01.jpg 02.jpg 03.jpg 04.jpg 05.jpg 06.jpg 07.jpg 08.jpg 09.jpg 10.jpg 11.jpg 12.jpg 13.jpg 14.jpg 15.jpg

TINGNI: Pinasinayaan noong Hunyo 5 ang isa na namang makabagong proyekto ng pamahalaang lungsod ng Batangas sa pamamagitan ng paglulunsad ng Polludrone Sensor for Real-Time Continuous Ambient Air Quality Monitoring System (CAAQMS), isang makabagong teknolohiyang tuloy-tuloy na sumusubaybay sa kalidad ng hangin sa lungsod.

Ang sistema ay awtomatikong nagtatala ng datos kada limang segundo at mino-monitor ng Office of the City Environment and Natural Resources Officer (OCENRO). Bukod sa kalidad ng hangin, nasusukat din nito ang iba't ibang environmental parameters tulad ng particulate matter, gaseous concentrations, ingay, lagay ng panahon, at iba pang mahahalagang salik na may kaugnayan sa kalikasan.

Pinangunahan ni Mayor Marvey Mariño ang inaugural switching ng proyekto kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod, mga department head ng lungsod, kinatawan ng malalaking industriya, at iba pang stakeholder mula sa pribadong sektor.

Isinagawa ang programa sa lokasyon ng air quality monitoring sensor sa kanto ng Rizal Avenue at P. Burgos Street. Mayroon ding mga katulad na monitoring station na nakalagay sa mga barangay ng Bilogo, Balagtas, Sta. Rita Karsada, at Ilijan, kung saan matatagpuan ang ilang malalaking industriya sa lungsod.

Ayon kay Mayor Mariño, mahalaga ang pagkakaroon ng tuloy-tuloy na air quality monitoring upang matiyak na nananatiling ligtas at malinis ang hanging nalalanghap ng mga mamamayan sa kabila ng patuloy na pag-unlad at industriyalisasyon ng lungsod.

Matapos ang inaugural switching, ipinakita rin ang real-time air quality results na nagpapakita ng magandang kalidad ng hangin sa lungsod. Ipinaliwanag ni OCENRO Officer Oliver Gonzales ang mga nakuhang datos at ang kahalagahan ng patuloy na pagmamanman upang mapanatili ang kalusugan ng mamamayan at mapangalagaan ang kapaligiran.

Ang proyektong ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng Pamahalaang Lungsod ng Batangas na gamitin ang makabagong teknolohiya sa pangangalaga sa kalikasan at pagsusulong ng isang mas ligtas, mas malinis, at mas sustainable na lungsod para sa susunod na henerasyon.

Samantala, matatandaang mula pa noong 2007 ay may regular nang air quality monitoring ang OCENRO sa pamamagitan ng third-party on-site monitoring system. (PIO Batangas City)