BSP Batangas City Council, Muling Ginawaran ng Lorillard Spencer Award

01.jpg 02.jpg

TINGNI: Muling ginawaran ng Boy Scouts of the Philippines (BSP) National Council ang BSP Batangas City Council ng Lorillard Spencer Award, ang pinakamataas na parangal na ipinagkakaloob ng BSP sa mga natatanging council sa bansa.

Iginagawad ang nasabing pagkilala sa mga council na nagpapakita ng kahusayan sa administrasyon, pagpapalawak ng membership, pagpapatupad ng scouting activities, at pagsusulong ng advancement program para sa mga scout.

Isinagawa ang paggawad ng parangal sa ika-69 na Annual National Council Meeting na ginanap sa Cebu City noong Mayo 22.

Kaugnay nito, pormal na ipinrisenta ni Council Scout Executive ng BSP Batangas City Council Ronaldo Abratique ang natanggap na parangal kay Mayor Marvey Mariño pagkatapos ng flag ceremony.

Nagpahayag naman si Abratique ng taos-pusong pasasalamat sa suporta ng pamahalaang lungsod, na aniya’y malaking dahilan upang mapanatili ang mahusay na pamamahala at patuloy na pag-unlad ng scouting movement sa Batangas City. (PIO Batangas City)