AIDS Candlelight Memorial, Isinagawa Bilang Paggunita sa mga Pumanaw at Pagsusulong ng HIV Awareness

01.jpg 02.jpg 03.jpg 04.jpg 05.jpg 06.jpg 07.jpg 08.jpg 09.jpg

TINGNI: Nagsagawa ng AIDS Candlelight Memorial ang mga kawani ng Office of the City Health Officer (OCHO) upang alalahanin at mag-alay ng panalangin para sa mga indibidwal na namatay dahil sa Advanced Human Immunodeficiency Virus (HIV) disease noong Mayo 28.

Isinagawa ang seremonya sa People’s Quadrangle na may temang “Light the Legacy: Remember. Advance. Act.”

Binibigyang-diin ng tema ang pagbibigay-pugay sa mga buhay na nawala, pagsusulong ng paggamot laban sa HIV, at sama-samang pagkilos upang mawala ang stigma at makamit ang layuning wakasan ang epidemya pagsapit ng 2030.

Ayon kay Adela Zaraspe, Nurse Coordinator ng STI-HIV Program ng OCHO, bukod sa pagpapalaganap ng tamang impormasyon hinggil sa naturang sakit, layunin din ng programa na mabawasan ang patuloy na pagtaas ng kaso at pagkamatay dulot nito.

Ipinabatid din niya na may 12 naitalang kaso ng HIV sa lungsod sa kasalukuyan.

Samantala, ang Batangas ay ikaapat sa mga lalawigan sa CALABARZON na may pinakamaraming confirmed cases ng HIV.

Nananawagan naman ang OCHO sa publiko na huwag mag-atubiling makipag-ugnayan sa mga health center upang magpasuri at sumailalim sa screening para agad na matugunan at matulungan ng kanilang tanggapan.

Ayon pa sa OCHO, nagsasagawa rin sila ng mga pagsasanay sa mga barangay upang maihanda at maging katuwang ang mga ito sa pagtugon sa mga kaso ng HIV.

Pinaalalahanan din ng OCHO na ang awareness campaign ay hindi lamang para sa mga miyembro ng LGBT community kundi para sa lahat ng sexually active na indibidwal. (PIO Batangas City)