Anim na Centenarians sa Lungsod, Tumanggap ng Cash Incentive

01.jpg 02.jpg 03.jpg 04.jpg 05.jpg 06.jpg 07.jpg 08.jpg 09.jpg

TINGNI: Tumanggap ng tig-₱100,000 cash incentive at felicitation letter mula kay Ferdinand Marcos Jr. ang anim na senior citizens sa Batangas City sa ilalim ng Expanded Centenarians Act of 2024.

Kabilang sa mga benepisyaryo ang 101 taong gulang na sina Melchora De La Cruz ng Barangay Banaba Center at Felisa Macatangay ng Balete, gayundin ang mga 100 taong gulang na sina Demetria Closa ng Poblacion 20, Wenceslao Albotra ng Poblacion 3, Luz Evangelista ng Poblacion 6, at Cecilia Balido ng Balagtas.

Layunin ng Expanded Centenarians Act of 2024 na mabigyan ng suporta at pagkilala ang mga nakatatandang Filipino habang sila ay nabubuhay pa, at maipakita ang pagpapahalaga at pagkalinga sa mga matatandang patuloy na nagbibigay inspirasyon sa komunidad.

Pinangunahan ng Office of Senior Citizens Affairs (OSCA), City Council for the Elderly (CCE), at Office of the City Social Welfare and Development Officer (OCSWDO) ang initial screening at pagtanggap ng mga dokumento bago ito isumite para sa approval.

Nakipag-ugnayan din ang OSCA sa mga senior citizens president sa iba’t ibang barangay upang ma-validate ang detalye ng mga benepisyaryo batay sa itinakda ng Republic Act No. 11982.

Ang one-time cash incentive ay pagpupugay sa mga indibidwal na umabot sa edad na 100 taon pataas, alinsunod sa Centenarian Act of 2016.

Ang naturang halaga ay personal na iniabot ng mga tauhan ng National Commission of Senior Citizens (NCSC), kasama ang mga kawani ng OCSWDO, OSCA, at CCE.

Bukod sa ₱100,000 mula sa national government, nagbigay rin ang pamahalaang lungsod ng karagdagang ₱50,000 sa mga naturang senior citizens. Ang mga patuloy pang magdiriwang ng kaarawan sa edad na 101 pataas ay makatatanggap naman ng karagdagang ₱30,000.

Ayon sa mga benepisyaryo, malaking tulong ang cash benefit para sa mga pang-araw-araw nilang pangangailangan lalo na sa kanilang maintenance medicines at iba pang gastusing pangkalusugan.

Hinihikayat naman ng OSCA ang lahat ng kwalipikadong senior citizens sa lungsod na mag-apply at magsumite ng kinakailangang dokumento sa kanilang tanggapan. (PIO Batangas City)