Team Batangas City, Kampeon sa 2026 ASAPHIL - U18 Men’s Softball National Championships

01.jpg 02.jpg

TINGNI: Nagkampeon ang Team Batangas City sa ginanap na 2026 Amateur Softball Association of the Philippines (ASAPHIL) U18 Men’s Softball National Championships noong Mayo 1–6 sa barangay Libjo.

Siyam na koponan mula sa iba’t ibang lugar sa bansa ang lumahok sa torneo, kabilang ang mga koponan mula sa Nasugbu, Calaca, Cuenca, Lemery, Bulacan, Nueva Ecija, General Trias, Cavite, at Agoncillo.

Nasungkit ng Team Batangas City ang kampeonato matapos talunin ang koponan ng Calaca sa dikit na iskor na 4-3 sa championship game.

Ayon sa team manager ng Batangas City na si Ronnie Austria, makasaysayan ang tagumpay ng koponan dahil ang ASAPHIL ang kinikilalang national governing body ng softball sa Pilipinas at accredited din ng International Softball Federation.

Dagdag pa niya, bubuo ang ASAPHIL ng 25-man pool para sa nalalapit na Softball Asian Championships sa Disyembre, kung saan inaasahang karamihan sa mga manlalaro ay magmumula sa Team Batangas City.

Nag-uwi rin ng individual awards ang mga manlalaro ng Batangas City. Si Rick Lenard De Guzman ay kinilalang Best Slugger, Most Home Run, at Most Valuable Player (MVP) ng torneo, habang si Omar Driz naman ang itinanghal na Best Pitcher.

Pinarangalan din ng pamahalaang lungsod ang koponan sa flag raising ceremony kung saan personal silang binati ni Mayor Marvey Mariño.

Kaugnay nito binigyan ng komendasyon ang grupo ng mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod sa kanilang regular na sesyon. (PIO Batangas City)